PINABORAN ni Senador Cynthia Villar ang panukala ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin E. Diokno na magbigay ang pamahalaan ng 2 milyong emergency employment sa mga Filipino upang sumigla ang “bagong ekonomiya” at paluwagin ang epekto ng pandemya sa mamamayan.
Sa pahayag, sinabi ni Villar na iminungkahi ni Diokno sa pamahalaan na kumilos kaagad para sa susunod na yugto ng “new economy” na nakapokus sa quick disbursing employment-creating program.
Sinabi ng dating budget secretary na dapat itaas ang pondo ng isa o dalawang porsiyento na katumbas sa P200 bilyon hanggang P400 bilyon na maaaring gamitin sa emergency employment at lumikha ng dalawang milyong trabaho.
“I agree with BSP Chief Diokno that our next priority after the health and safety of our people is providing employment to as many Filipinos as possible. That’s what people need right now to feed their families,” ayon kay Villar.
Nauna nang iminungkahi ni Villar na buksan ang labor-intensive sectors tulad ng agriculture, construction at manufacturing upang maiwasan ang social unrest dahil lubha nang agitated ang mga Filipino sa kawalan ng kita o ikinabubuhay.
Ayon kay Diokno, ikakalat ang 2 milyong trabaho sa buong bansa. Puwedeng lumahok ang manggagawa sa green projects tulad ng paglilinis ng ilog, tree planting; public works project (road maintenance, fortifying sea walls, social housing) agriculture o health projects (contact tracing, maintenance work in COVID-19 facilities, etc.).
Babayaran ang manggagawa nang mas mababa ng 10 porsiyento sa minimum wage rate sa rehiyon, na magtatrabaho ng walong oras, limang araw kada linggo sa loob ng pitong buwan, mula Hunyo hanggang Disyembre.
“Most Filipinos would really rather go back to work than to wait for aid or relief goods. It is more empowering for them if we let them earn their upkeep. I agree with Diokno that it provides a greater sense of self respect,” ayon kay Villar.
Kilala si Villar bilang Misis Hanepbuhay na palaging nagsusulong ng paglikha ng trabaho at kabuhayan upang palakasin ang Filipino partikular ang mahihirap.
Aniya, napanahon ang emergency employment bilang madaliang solusyon dahil maraming empleyado at manggagawa ang mawawalan ng trabaho sanhi ng kasalukuyang pandemya. ESTONG REYES
