INIREKOMENDA ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go kay Pangulong Duterte ang paglikha ng isang inter-agency task force na magsasagawa ng mas malawak at malalim na pagsisiyasat sa mga nakabaon o sistematikong katiwalian sa lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Sa pahayag, sinabi ni Go na isinagawa niya ang rekomendasyon dahil patuloy pa rin ang korapsiyon sa ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways, Bureau of Immigration, Bureau of Customs, PhilHealth at maging sa sektor ng agrikultura bunsod ng rice smuggling, at iba pa.
“Exasperated na po si Pangulong Duterte dahil sa korapsyon sa gobyerno. Para rin po itong pandemya na sumisira sa ating normal na pamumuhay. It is important to remove the ‘bad eggs’ para hindi na makasira pa sa serbisyo ng gobyerno o makahawa pa sa mga ibang kawani ng gobyerno na nais lang magsilbi sa kapwa Pilipino,” paliwanag ni Go.
Ani Go, ang panukala niyang task force ay kahalintulad ng nilikhang task force na nagsiyasat sa PhilHealth.
Gayunman, ang lawak o sakop nito ay sa lahat ng government agencies at kikilos ito hanggang matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.
Ayon sa senador, nabanggit na niya ito kay Pangulong Duterte na nauna na ring naglabas ng direktiba na paigtingin ang kampanya laban sa patuloy na katiwalian na sumisira sa burukrasya.
Matatandaang isiniwalat mismo ni Pangulong Duterte ang patuloy na kurakutan sa DPWH, dahilan upang lumikha si Secretary Mark Villar ng internal special task force na magsisiyasat sa alegasyon.
Pinuri ni Go ang naging hakbang ni Villar pero inirekomenda niya ang pangangailangan ng whole-of-government approach upang maresolba ang isyu. (ESTONG REYES)
161
