ITINUTURING ng isang mambabatas na witch-hunting ang kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay na isumite ang pangalan ng mga hindi bakunado sa kanilang lugar.
“Imbes na makatulong sa naghihingalong mamamayang Pilipino at health care system ng bansa, witch hunt sa unvaccinated ang inaatupag ng Duterte administration,” ani ACT party-list. France Castro.
Nangangamba ang mambabatas sa kautusang ito ng DILG sa mga barangay official dahil posibleng malabag aniya ang privacy ng mga taong hindi pa nababakuhanan o ayaw magpabakuna dahil sa kanilang personal na paniniwala.
Sinabi ng mambabatas na mas matutuwa ang publiko kung ang listahan ay para sa mga benepisyo ng bakuna, vaccination sites, mass testing at contact tracing ang hingin ng DILG para makatulong sa lahat ng mga tao.
“Listahan ng mga nawalan ng trabaho at mga pamilyang nangangailangan ng ayuda ang likumin ng DILG,” dagdag pa ni Castro.
Magdadalawang taon na aniya ang pandemya pero hindi pa nape-perfect ng gobyerno kung paano tugunan ang problemang ito kaya pinagdidiskitahan ang mga hindi bakunado.
“Imbes na bigyang prayoridad ng gobyerno ang mass testing, contact tracing at mas agresibong pagpapabakuna, obsesyon sa mga unvaccinated ang mas binibigyan ngayon ng pansin,” pahayag pa ng mambabatas.
May kaparehong agam-agam ang Commission on Human Rights (CHR) sa nasabing kautusan ng ahensya.
Paalala ng CHR, hindi ito dapat mauwi sa paglabag sa “right to privacy” ng mga residente na makakasama sa listahan ng mga hindi bakunado.
“With the recent directive of the DILG for barangays to submit a list of unvaccinated individuals in their communities, we hope that this does not result in the breach of the right to privacy of individuals and, more importantly, not restrict the unvaccinated from accessing essential good and services,” pahayag ni CHR spokesperson and lawyer Jacqueline Ann de Guiasa isang kalatas.
Binigyang diin nito na ang pagpapanatili sa karapatang-pantao ay mahalagang konsiderasyon sa paglikha at implementasyon ng polisiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
