PAGLOBO NG INFRA BUDGET NG SOLONS PINUNA SA SENADO

LUMOBO ang infrastructure budget ng mga kongresista matapos ang nangyaring pagpapalit ng liderato, pag-amin ni Sen. Panfilo Lacson.

Ayon kay Lacson, kapansin-pansin na binago ang House version ng General Appropriations Bill (GAB) nang magpalit ng lider ang Kamara. Inihalimbawa nito ang isang distrito na P9 billion ang inisyal na budget nang si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang House Speaker ngunit nang palitan ito ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ang nasabing distrito na hindi naman tinukoy kung saan, ay biglang naging P15 billion na ang infrastructure budget.

“Pagpalit ng liderato, napansin namin, halimbawa sa NEP (National Expenditure Program), yung isang distrito nasa mga P9 bilyon. Siguro medyo matibay yung distrito na yun, paglabas ng GAB, under the new leadership, umabot pa siya ng P15 billion. Merong distrito din na nasa P4 or P5 billion, paglabas ng GAB, nadagdagan pa ulit ng another P4 or P5 billion, naging halos P8 billion na.

So nakakagulat talaga,” pahayag ni Lacson.

Kinumpirma ni Lacson na ang malalapit kay Velasco ang dinagdagan ng pondo.

“Nung nagpalit ng liderato, nagpalit ang ihip ng hangin. Yung iba, from NEP, nabawasan siya pagdating sa GAB kasi under the new leadership. So yung malapit sa kusina, yun ang nadagdagan, at yung mga outside the kulambo, yun ang nabawasan,” ani Lacson.

Idinagdag pa ng senador na sa pagbabalangkas pa lang ng NEP ay mayroon nang gapangan ang mga kongresista para sa kanilang mga distrito. Dito aniya nagkakaroon ng problema dahil ang mga ni-lobby na infrastructure projects ay nagreresulta sa poor planning.

“Yung pag-implementa, hindi maayos kasi hindi nasusunod yung dapat na pagpaplano ng DPWH kasi pinapakialaman ng legislators. Walang pork pero sa implementasyon, hindi rin nawawala ang commission,” paliwanag ni Lacson.

Nang maupo si Velasco bilang House Speaker noong Oktubre 13, 2020 ay matatandaang bumuo rin ito ng small committee na mangangasiwa sa 2021 budget, ang miyembro ng komite ay pawang “handpicked” nito na nagrekomenda ng P20 billion amendments sa budget.

Kabilang sa mga miyembro ng small committee sina Majority Leader Martin Romualdez, House committee on appropriations chair Eric Yap, Rizal Rep. Jack Duavit, Bataan Rep. Jose Enrique

Garcia, Albay Rep. Joey Salceda, Batangas Rep. Elenita Buhain, Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera, AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin, Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon, Camiguin Rep. Javier Romualdo, Samar Rep. Edgar Sarmiento at Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma.

Sa kabila ng sunud-sunod na expose ni Lacson sa naglalakihang pondo ng mga kongresista ay nanatili namang tahimik ang tanggapan ni Velasco at tumatangging magbigay ng komento sa isyu. (ESTONG REYES)

214

Related posts

Leave a Comment