PAGLULUWAG SA COMMUNITY QUARANTINE PINALAGAN

PINALAGAN ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang planong paluwagin ang community quarantine upang sumigla ang ekonomiya.

Sa pahayag, sinabi ni Go na huwag munang luwagan ang community quarantine hanggang hindi nasisimulan ang vaccine rollout.

Ayon kay Go, delikado pa rin ang panahon lalo na at wala pang bakuna na nakararating sa bansa.

“Para sa akin, personally, bakuna first. Bakuna first. Vaccine rollout first bago ninyo buksan… Vaccine rollout first bago natin luwagan ang ating ekonomiya,” ayon kay Go sa panayam matapos dumalo sa groundbreaking ceremony ng Northeastern Misamis General Hospital sa Villanueva, Misamis Oriental.

Ipinaliwanag ni Go na oras naman na makarating sa bansa ang mga bakuna at masimulan ang inoculation ay maaari nang unti-unting luwagan pa ang ekonomiya ng bansa.

“Dahil delikado pa po ang panahon. Importante po ang buhay ng bawat Pilipino. Ulitin ko, ang pera po ay ating kikitain. Pero ‘yung perang kikitain po natin ay hindi po nabibili ang buhay,” ayon kay Go.

Nangangamba kasi si Go na lalo lang magkakaproblema ang bansa kung luluwagan na ang community quarantine gayung hindi pa nga nababakunahan ang publiko.

“Kaya importante sa akin ang kalusugan, buhay ng bawat Pilipino bago natin unti-unting luwagan,” aniya.

Binigyang-diin ni Go na ang pera ay kikitain basta magsisipag pero ang buhay ay hindi na maibabalik oras na mawala. (ESTONG REYES)

82

Related posts

Leave a Comment