GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
ISANG video ang naging viral sa TikTok tungkol sa mga batang tumatakbo sa loob ng isang establisimyento. Nakipag-usap pa ang kanilang ina sa staff, at tinanong ng staff ang manager kung may problema ba. Sabi ng manager ay wala, kasi walang nasira at walang nasaktan. At oo, likas sa mga bata ang maglaro, magtanong, at minsang maging malikot. Kasalanan ba nila iyon? Hindi. Pero responsibilidad ng magulang na gabayan ang kanilang mga anak, lalo na sa mga pampublikong lugar. Hindi lahat ng lugar ay palaruan.
Habang pinapanood ko ang mga bata, naisip ko: ang pagiging magulang ay hindi lang tungkol sa pagpapasaya sa bata. Ang mga pampublikong lugar ay pinagsasaluhan ng lahat. May mga taong namimili, may nagmamadali, at may dumadaan lang. Ang batang tumatakbo o maingay ay maaaring hindi nakasasama sa magulang, pero nakaiistorbo ito sa iba. Dito dapat kumilos ang magulang. Hindi dapat hintayin na may magreklamo o mapansin ng iba. Kailangang agad gabayan ang bata at ipakita kung ano ang tama.
Normal lang sa mga bata na magulo, maingay, o malikot. Sa bahay, okay lang na magkalat, tumakbo, tumalon, o maglaro nang malakas. Ang bahay ang kanilang ligtas na lugar. Pero paglabas ng bahay at pagdating sa tindahan o iba pang pampublikong lugar, nagbabago ang sitwasyon. Kailangan maging maingat at responsable. Ang pagpapabaya sa bata sa loob ng tindahan ay hindi maliit na abala lang. Maaaring ikahiya ang magulang, makaistorbo sa ibang mamimili, at delikado pa. Mahalaga rin na matutunan ng bata na may epekto ang kilos niya sa ibang tao.
Nakagugulat na hindi nagreklamo ang staff ng establishment. Wala namang nasira, kaya akala nila ay ayos lang. Pero hindi ibig sabihin noon na malaya na ang bata na gawin ang gusto niya. Ang mga staff ay empleyado. May alituntunin silang dapat sundin at may trabaho silang pinangangalagaan. Hindi nila pwedeng disiplinahin ang bata dahil hindi nila trabaho iyon. Ang tahimik na pagtitiis ng staff ay hindi pumapalit sa responsibilidad ng magulang. Hindi puwedeng umasa na ibang tao na ang bahala sa bata. Nagsisimula ang responsibilidad sa magulang.
May karapatan ang kahit sino sa loob ng tindahan na itama ang bata na baka matamaan o makabasag sila ng mga produkto sa loob. Maaaring makialam ang staff para maiwasan ang aksidente. Maaaring magsalita ang ibang mamimili dahil ayaw nilang madapa o matamaan. Ang mga bata ay inosente, pero ang magulang ang dapat laging alerto sa paligid. Ang pagiging maalam sa kapwa ay hindi nangangahulugang pabayaan ang bata. Ibig sabihin, gabayan siya, itama ang mali, at turuan ng tamang asal habang pinananatiling ligtas.
Naiintindihan ko ang ina sa video na gusto niyang ipakita na okay lang sa staff ang kanilang paglalaro. Pero hindi nito tinatanggal ang kanyang responsibilidad. Kailangang magtakda ng hangganan ang magulang. Dapat matutunan ng bata na ang tindahan, restaurant, at iba pang pampublikong lugar ay hindi tulad ng kanilang bahay. Ang pagtuturo kung kailan at saan pwedeng maglaro ay makatutulong sa bata na maging responsable at marespeto. Ang paglalaro ay bahagi ng pagiging bata, pero kasama sa paglaki ang matutunan kung saan puwedeng magpakasaya.
Ang panonood ng video na ito ay nagpapaalala sa akin na ang pagiging magulang ay nangangailangan ng patuloy na pagbabantay, kahit sa lugar na tila ligtas. Ang mga bata ay puno ng enerhiya at kuryusidad, at tungkulin natin na gabayan ito. Ang pagiging malikot ay normal, pero ang pagiging maalam, matiisin, at maagap sa pagtuturo ay siyang magpaparespeto sa bata at sa paligid. Ang magulang na maayos na nagabayan ang bata ay nakatutulong hindi lang sa ibang tao kundi pati sa bata. Ang mga pampublikong lugar ay pwede ring maging lugar ng pagtuturo. Nakikita ng bata kung paano maging maayos at marespeto sa kapwa, at matututo rin siyang kontrolin ang sarili.
7
