IBINAHAGI ni Quezon 4th District Representative Atorni Mike Tan ang legislative accomplishments at local projects sa kanyang unang termino sa Ulat sa Distrito noong Sabado.
“Matapos ang ilang panahon ng ating panunungkulan, lawmaking man o paggawa ng mga batas o di naman kaya’y constituency concerns o pagpapatupad ng mga programa at proyekto — nagawa nating panatilihin, ipagpatuloy, at pagbutihan pa ang mga serbisyo para sa ating mamamayan,” pahayag ni Cong. Mike na tumatayo rin bilang Assistant Majority Leader ng Kamara.
Ibinida ng batang kongresista ang 27 na republic acts na kanyang inakda kasama ang 27 na mga bagong batas na kanyang isinulong bilang co-author.
Pangunahin sa mga ito ang Republic Act (RA) 11981 o ang “Tatak Pinoy” (Proudly Pinoy) Act; RA 11997 o “Kabalikat sa Pagtuturo Act”; RA 12022 o ang “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act”; RA 12076 o ang “Ligtas Pinoy Centers Act”; RA 12026 na magdaragdag ng apat (4) na mga bagong korte sa Bayan ng Calauag, Quezon; at RA 11971 na nagtatayo ng College of Medicine sa Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon at ngayon ay kilala bilang SLSU College of Medicine.
Magalak ding iniulat ni Cong. Mike ang mahabang listahan ng kanyang HEALING Plus at Sariling Sikap programs, projects, at services para sa ika-4 na Distrito ng Quezon.
Ang HEALING Plus ay isang sustainable, magkakaugnay, at komprehensibong development agenda na kumakatawan para sa Health (Kalusugan), Education (Edukasyon), Agriculture (Agrikultura), Livelihood (Kabuhayan), Infrastructure (Imprastraktura), Nature/Environment/Tourism/Disaster Response (Kalikasan/Kapaligiran/Turismo/Pagtugon sa Kalamidad), at Good Governance (Mabuting Pamamahala) kalakip ang pagsusulong ng Youth Empowerment at Legal Assistance.
Aniya, “Sumatutal, halos P19 bilyon ang ating ginugol para sa HEALING PLUS programs, projects, at services sa ating distrito tungo sa pagpapanatili, pagpapatuloy, at pagpapabuti ng Serbisyong Tunay At Natural para sa lahat ng mamamayan.”
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Atorni Mike ang kanyang mga kababayan sa kanilang mainit na suporta at tiniyak na kanyang ipagpapatuloy ang paglilingkod upang bigyang-daan ang pangarap para sa isang matatag at magandang bukas para Ika-4 na Distrito ng Quezon.
