PAGSASAAYOS SA HEALTH SYSTEM TINUTUTUKAN NI GOV. HELEN TAN

TARGET NI KA REX CAYANONG

AMINADO si Quezon Gov. Helen Tan na isa sa nagbibigay ng bigat financially sa health system ay ang renal failure.

Nariyan din aniya ang kakulangan sa kaalaman ng mga pasyente sa mga posibleng solusyon sa sakit na ito.

Kaya naman, ayon kay Tan, katuwang ang mga doktor mula sa National Kidney and Transplant Institute na pinamumunuan ni Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete, at Integrated Provincial Health Office (IPHO), ay naglunsad sila ng kauna-unahang forum para sa pagtatayo ng vascular center and living and deceased organ donation center.

Tinalakay daw ang kanilang layunin na maitatag ang Quezon Medical Center bilang transplant center at kung paano mabibigyan ng de-kalidad at mas mahabang buhay ang organ beneficiary patients.

“Panimula pa lamang ito, at nawa’y magtuloy-tuloy na maging bukas ang ating kaisipan sa organ donation,” wika ni Gov. Tan.

Bukod dito, isa sa mga patuloy na tinututukan ni Gov. Tan ay ang pagsasaayos sa sistemang pangkalusugan ng probinsya.

Siyempre, patuloy rin itong naghahanap ng paraan upang masolusyunan ang mga problemang kinahaharap ng mga ospital na gaya ng QMC dahil sa maraming kakulangan.

“Kaisa tayo ng pamahalaang panlalawigan sa hangaring maibigay sa mga mamamayan ang sapat at maaasahang serbisyong medikal. Kaya naman isinusulong natin sa Kongreso ang House Bill No. 4244 (An act converting the QMC in the city of Lucena, province of Quezon, into a tertiary level hospital and regional training center, and appropriating funds therefor.)”

Sinabi ni Tan na sa pamamagitan nito, mula sa 200 ay magiging 700 na ang bed capacity ng nasabing ospital sa ilalim ng pamamahala ng Department of Health.

“Malaking karagdagan at malaking tulong ito sa pagtugon sa pangangailangang pangkalusugan ng mga mamamayan sa buong lalawigan ng Quezon,” pahayag ng masipag na gobernadora.

“Ipaglalaban natin ito sapagkat naniniwala tayo na ang kalusugan ay karapatan at dapat itong makamtan ng bawat mamamayan.”

Tunay na tinitingnan at sinisiguro ni Tan na napag-uusapan at inuupuan ang mga problema kung paano siya makapagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa sektor ng kalusugan.

Kaliwa’t kanan man aniya ang problema at malaki man ang utang na naiwan ng nakaraang administrasyon mula sa medical suppliers ng QMC, kumpiyansa si Tan na kaya nilang malagpasan ito. “Hindi tayo nag-iisa. Katuwang natin ang mga masisipag na doktor sa pag-abot ng isang malusog na lalawigan,” pagmamalaki ni Tan.

“In behalf of 2.5 million Quezonians, taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga doktor sa inyong serbisyo, panahon, at pakikiisa sa amin,” dagdag pa ng lady governor.

176

Related posts

Leave a Comment