IGINIIT kahapon ng isang mambabatas na “kasalanan” ng mababang kapulungan ng Kongreso ang pagsasara ng ABS-CBN Broadcasting Corporation nitong Mayo 5.
Sa pagtumbok na ito ni BUHAY party-list Rep. Jose “Lito” Atienza Jr., idiniin din niya na ang kapwa niya mambabatas na si Speaker Alan Peter Cayetano ang siyang pangunahing salarin sa pagpapatigil ng telebisyon at radyo ng ABS-CBN sa lahat ng panig ng bansa.
Nagpasya ang National Telecommunications Commission (NTC) na mag-isyu ng “cease and desist order” laban sa kumpanyang kontrolado ng pamilya Lopez dahil wala itong “valid Congressional Franchise required by law.”
Natapos nitong Mayo 4 ang buhay ng prangkisa ng ABS-CBN na ipinasa dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas.
Matatandaang idiniin ni dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno na nagpasya ang mataas na korte na hindi puwedeng magpatuloy ng operasyon ang isang kumpanya ng telebisyon o radyo nang walang prangkisa.
Ani Puno, pasya ito ng ikatlong dibisyon ng mataas na korte noong Pebrero 17, 2003 sa kaso ng Associated Communications & Wireless Services-United Broadcasting Networks laban sa NTC.
Ipinaalala rin ni Puno na kasama sa nasabing desisyon na siya ang sumulat na hindi maaaring maglabas ng pansamantalang permit ang NTC nang walang lisensya ang telebisyon tulad ng ABS-CBN na mag-opereyt.
Kongreso ang binigyan ng Konstitusyon na magpasa at magbigay ng prangkisa sa mga kumpanyang kaparis ng ABS-CBN.
Sabi ni Atienza, “… most important, I’d like to say, squarely, kasalanan ni Speaker Cayetano ito. Pagkukulang niya ito sa bayan. He will have a lot to explain one day…. Because he is the one who did not do his job. Even the president kept on reminding him to do his job…. But what did we do, nothing.”
Idiniin din ni Atienza na walang pagkakasala ang NTC sa isyu dahil ginampanan lamang nito ang kanyang trabaho bilang bahagi ng ehekutibong sangay ng pamahalaan.
Wala ring kinalaman ang Malakanyang sa pagtigil ng ABS-CBN, patuloy ng mambabatas.
Nilinaw ni Atienza na trabaho ng Kamara de Representantes ang pagpasa at pagbibigay ng prangkisa sa anomang kumpanya na telebisyon o radyo ang negosyo.
‘DI PINANSIN NINA NOYNOY, LENI
Noong Ika-17 Kongreso (panahong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino Jr. ang pangulo ng bansa) ay hindi pinansin ang prangkisa ng ABS-CBN.
Hindi rin inintindi ni Aquino ang prangkisa kahit na mistulang ‘ampon’ siya ng pamilya Lopez.
Wala rin kahit isang kongresista at senador ang ‘nag-ingay’ at ‘naggiit’ na talakayin at ipasa ng Ika-17 Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN.
Kahit ang noo’y kasapi ng Kamara na si Rep. Ma. Leonor “Leni” Robredo na ‘rising star’ ng Liberal Party (LP) at regular na lumalabas sa TV Patrol at DZMM ng ABS-CBN ay hindi itinayo at iwinagayway ang bandila ng ABS-CBN sa mababang kapulungan.
Nang palitan ng bagong Kongreso ang Ika-17 Kongreso, marami nang naghain ng panukalang batas tungkol sa pagbibigay ng panibagong 25 taong prangkisa sa ABS-CBN.
Katunayan, Hulyo 2019 pa lang ay nakahain na ang mga panukalang batas pabor sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN.
Ngunit, walang mambabatas ang umintindi rito, kabilang na si Cayetano.
Naging ‘mainit’ at ‘ maingay’ na lamang ang nasabing isyu nitong Pebrero ng taong kasalukuyan.
Ngunit ang nangyari ay panay painterbyu sa media ng maraming kongresista, lalo na sa ABS-CBN.
Hindi rin kumilos ang Kamara. Inunahan pa ito ng Senado, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe hinggil sa mga isyung kinakaharap ng ABS-CBN.
Nagalit si Cayetano kay Poe sa pangyayaring ito.
Nang tanungin ng House reporters ang pinuno ng Kamara tungkol sa petsa ng pagsisimula sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa hinihinging prangkisa ng ABS-CBN, diretsong sumagot si Cayetano na marami pang ginagawa ang Kamara.
Sa panahong ito, sobrang abala si Cayetano sa paglulunsad ng kanyang ikalawang photo exhibit sa idolong si Kobe Bryant, ang Amerikanong basketbolista na namatay nang maaksidente ang sinasakyang eroplano. NELSON S. BADILLA
