PAGSIBAK KAY PARLADE IPINAUBAYA NG PALASYO SA NTF-ELCAC

IPINAUBAYA ng Malakanyang sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang pagdedesisyon kung papatulan ang panawagan ni Senador Panfilo Lacson na sibakin bilang tagapagsalita ng ahensiya si General Antonio Parlade.

Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, hindi nagma-micro manage ang pangulo kaya’t bahala na aniya ang NTF-ElCAC sa bagay na ito.

“Hindi naman po nagma-micro manage ang ating presidente. Bahala na po ang NTF-ELCAC kung susundin nila o hindi ang rekomendasyon ni Senator Lacson,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ulat, hindi kuntento ang ilang senador sa temporary gag order na ipinataw laban kay General Parlade bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC.

Ayon kay Lacson, ang isyu laban kay Parlade ay higit pa sa pag-atake laban sa mga organizer ng community pantry at pagtawag nito ng stupid sa mga senador.

Mas nais ni Lacson na tanggalin si Parlade bilang tagapagsalita ng NTF -ELCAC.

Malinaw aniya sa saligang batas na hindi maaaring italaga sa isang civilian position ang isang active member ng AFP.

Nais din ng senador na parusahan si Parlade dahil sa pakikialam o pakikipagtalo nito sa usaping pulitikal sa halip na mag-focus sa kanyang misyon bilang commanding general ng Southern Luzon Command. (CHRISTIAN DALE)

273

Related posts

Leave a Comment