SA nakalipas na anim na taon, sukdulang kawalang pag-asa ang sentimyento ng mas nakararaming Pilipino, bunsod ng pamamayani ng karahasan sa giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, ang malawakang katiwalian, pag-abuso, kawalan ng hanapbuhay, maruming pulitika na mas pinalala pa nang sumulpot ang lintek na pandemya.
Sa pagpapalit ng administrasyon, muling nabuhayan ng pag-asa ang sambayanan sa kamay ng bagong pangulo. Patunay nito ang mataas na antas ng pag-asang naitala sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS).
Ayon sa SWS, 46% ng mga Pilipino na nasa hustong gulang ang umaasang bubuti ang kanilang pamumuhay sa susunod na 12 buwan.
Paniwala naman 28% ng mga lumahok sa SWS survey, walang magbabago.
Kapuna-puna naman na 6% na lang ang naniniwalang mas lalo pa silang maghihirap.
Kung mayroong dapat tutukan ang gobyerno, sila’y yaong mga maralitang nagsabing gaganda na ang kanilang pamumuhay sa kabila ng umiiral na krisis bunga ng patuloy na banta ng pandemya at hidwaan sa pagitan ng mga bansang Ukraine at Russia.
Sila mismo ang 31 milyong nagluklok sa bagong pangulo na nagbitaw ng isang sumpang pagbabago, pagbangon at pagbabalik-sigla ng bansang minsang tiningala ng mga kapwa Asyano.
Sa kanyang pag-upo sa pwesto, una niyang inatupag ang pagtatrabaho, katuwang ang mga pinakamahusay na kalihim na dumaan sa butas ng karayom para lang tiyaking mayroon silang maiaambag sa katuparan ng kanyang pangako.
Ano nga ba ang pangako ng pangulo? Pagkaing sapat at abot-kaya, trabaho, mataas na kalidad ng edukasyon, saganang supply ng enerhiya, mabilis na internet, maunlad na bansa, malinis na gobyerno.
Ang siste, marami pa rin ang diskumpyado – sukdulang hamakin ang kakayahan ng gobyerno. Pati ang walang humpay na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, isinisisi sa bagong upo sa Palasyo.
Marahil angkop na suportahan na lang muna ng bayan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagpapamalas ng agresibong pagtugon sa mga problemang kinahaharap ng lipunan.
Walang masamang punahin ang pamahalaan kung may kalakip na alternatibo. Ang masama, agawin maging ang pag-asa ng bawat mamamayang Pilipino.
259
