PAGSISID SA TAAL LAKE SINIMULAN NA NG PCG

PINASIMULAN na ng Philippine Coast Guard ang pagsisid sa ilalim ng Taal Lake para hanapin ang missing sabungeros na sinasabing pinatay at inilibing sa nasabing lawa.

Ayon sa PCG, inumpisahan na nila ang preliminary search and retrieval operation para sa nawawalang mga sabungero na pangunahing layunin ay ma-validate ang salaysay ni Julie Patidongan, alyas “Totoy”, ang tinaguriang whistleblower sa kaso ng nawawalang mga sabungero.

Mangunguna sa nasabing underwater search and retrieval operation ang Philippine Coast Guard, Department of Justice, at Philippine National Police.

Bukod sa coast guard station sa Talisay, handa ring ipagamit ng lokal na pamahalaan ang bahagi ng Talisay fish port para sa mga kagamitan na kakailanganin sa underwater search.

Ito ang kauna-unahang uri ng search and retrieval operation na gagawin ng Coast Guard sa Taal Lake, ayon kay PCG spokesperson Captain Noemie Guirao-Cayabyab.

Ayon kay Cayabyab, malaking hamon sa kanilang technical divers ang lalim ng lawa at ang lawak nito na siyam na beses ang laki kumpara sa City of Manila.

Sa panig ng Philippine Navy, may ready force silang naka-stand by na huhugutin lamang nila sa kanilang Naval Special Operation Command.

May mga technical diver umano ang Phil. Navy na magmumula sa kanilang Naval Special Operation Group subalit mas mainam umano na magsagawa muna ng pag-aaral hinggil sa lalim at kondisyon ng lawa kung saan ay maaaring gumamit ng unmanned o under water surveillance drones bago isabak ang divers.

Ayon kay Rear Adm. Trinidad, ngayong mayroong posibilidad ng eruption sa Taal Volcano, mayroon pang ibang mga paraan kung paano marerekober o mahahanap ang labi ng mga sabungero o kahit ano pang target sa ilalim ng katubigan.

“Ang basic natin, we want to map it out and look at the conditions so we can plan how to go about it,”

Samantala, nabatid na may alternatibo ring sites na posibleng puntahan ang mga awtoridad kung saan posibleng matagpuan ang pinatay na nawawalang mga sabungero.

Ayon kay Police BGen. Jean Fajardo, may mga lugar na tinutunton din ang mga imbestigador na posibleng pinaglibingan ng nawawalang mga sabungero base sa mga impormasyong nakalap ng PNP at DOJ.

Magugunitang inihayag ni alyas “Totoy” na inilibing sa lawa ng Taal ang nawawalang mga sabungero subalit may ilan din umano ang pinatay at inilibing sa ibang lugar.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment