PAGSULONG SA PAGGAMIT NG MGA ELECTRIC VEHICLE, NAPAPANAHON NA

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

GINANAP kamakailan ang 10th Philippine Electric Vehicle Summit (PEVS) sa SMX Convention Center sa lungsod ng Maynila. Ito ang ­pinakamalaking pagtitipon at eksibisyon patungkol sa Electric Vehicles (EV) sa bansa. Gaya ng inaasahan, naging kapana-panabik ang mga kaganapan sa nasabing pagtitipon.

Ang EV Summit na ito ay idinaos sa pagtutulungan ng Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) at Manila Electric Company (MERALCO) katuwang ang Department of ­Energy (DOE) at Nissan Philippines Inc. Ngayong taon, ang sentro ng talakayan ay ang kahandaan ng bansa sa paggamit ng EV at ang paggawa ng mga imprastrakturang susuporta sa paggamit nito gaya ng mga charging station.

Sa pambungad na pananalita ni Meralco Chief Sustainability Officer at eSakay President at CEO Raymond B. Ravelo, ipinahayag niya ang kanyang kagalakan sa paglawig ng industriya mula nang ginanap ito sa unang pagkakataon noong 2010 sa Meralco kung saan nasa humigit kumulang 390 katao lamang ang dumalo. Nang ginanap ito noong 2019, tumaas sa halos 1,400 ang bilang ng dumalo rito – isang patunay na talagang dumarami na ang tumatangkilik at nagkakaroon ng kaalaman ukol sa mga EV.

Binanggit ni Ravelo sa kanyang talumpati ang malaking ipinagbago ng teknolohiya ng EV sa nakalipas na dekada. Kung noon ay hindi kaya ng EV bumiyahe ng 100 kilometro sa isang beses na pag-charge nito, ngayon, kaya na nitong bumiyahe ng 800 kilometro.

Marami na ring pagbabago pagdating sa mga polisiya at batas ukol sa EV. Nang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o “TRAIN” Law, hindi isinama ang EV sa pinatawan ng excise tax. Matapos ang tatlong taon, naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng malinaw na mga alituntunin ukol sa pag-rerehistro ng mga EV. Nagdaan din sa masusing ­deliberasyon ang EV bill mula nong 2010 na siyang nagbigay-daan sa pagpasa ng Electric Vehicle Industry Development Act o EVIDA.

Naging mahalaga rin ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor sa usaping ito. Bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, batid ng Meralco ang kahalagahan ng papel na ginagampanan nito sa pagsulong ng EV sa bansa.

Mas pinalawig ng kumpanya ang inilunsad nitong Green Mobility Program. Sa ilalim ng programang ito, layunin ng Meralco na gawing EV ang 25% ng mga sasakyan na ginagamit nito sa operasyon sa pagtatapos ng dekada. Sa kasalukuyan, nasa 128 ang EV na gamit nito sa iba’t ibang opisina.

Katuwang sa pagpapatupad ng naturang programa ang eSakay, ang green mobility arm ng Meralco. Mula nang itayo ang eSakay noong 2018, nasa 230 na EV na at 100 na imprastraktura para sa charging nito ang nagawa ng kumpanya para sa iba’t ibang mga pampubliko at pribadong institusyon sa bansa.

Ako ay naniniwala na tamang landas ang tinatahak ng industriya ng transportasyon. Napapanahon ang paggamit ng mga modernong teknolohiya gaya ng EV na makatutulong hindi lamang sa industriya kundi pati sa pangangalaga sa kapaligiran at sa kalikasan.

225

Related posts

Leave a Comment