PINAG-AARALAN ng Philippine Ports Authority (PPA) ang panukalang itaas ang singil sa terminal fee ng mga pasahero sa Batangas Port na may ilang taon nang hindi nagagalaw.
Sa pahayag ni PPA General manager Jay Santiago, humihirit sa kanilang tanggapan ang Asian Terminals Inc. (ATI) ng taas singil na mula P30 ay magiging P100.
Pinag-aaralan ng opisyal kung makatwiran ba ang kahilingan ng ATI na nagsasabing nakapagbibigay naman sila ng magandang serbisyo sa mahigit 8,000 pasahero sa nasabing terminal.
Ayon kay Santiago, kanilang pag-aaralang mabuti ang nasabing pagtaas ng terminal fee.
Paliwanag pa ni Santiago, kanilang tinitingnan kung ang pagtaas ng singil sa terminal fee ay magiging dagdag na pahirap sa mga pasahero na tumatangkilik sa nasabing pantalan.
Paliwanag naman ng ATI-Batangas, mahigit sampung taon na mula pa noong 2010 ay hindi pa sila nagpataw ng karagdagang singil.
Hiniling ng Asian Terminals Inc.-Batangas (ATIB) na itaas sa P100 mula P30 ang passenger terminal fee sa Batangas Port bilang cost recovery measure.
Ayon sa ATIB, 38% ng fee ay mapupunta sa maintenance, 18% sa labor, 14% sa safety and security, at ang matitira ay sa utilities at administrative costs.
(JESSE KABEL RUIZ)
