PAGTATAGUYOD SA INDUSTRIYA NG PELIKULA, PAGTATAGUYOD SA KULTURANG PILIPINO – CONG. ARJO ATAYDE

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA patuloy na pag-usbong ng creative economy sa bansa, mahalagang kilalanin ang malaking papel ng industriya ng pelikula sa pagpapalakas ng kultura, kabuhayan, at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

Kaya naman makabuluhan ang aktibong pakikilahok ni Quezon City Cong. Arjo Atayde bilang Vice Chair ng Special Committee on Creative Industry sa Kamara, upang isulong ang mga hakbang na magpapalakas sa sektor ng pelikula.

Sa ginanap na pagdinig sa House of Representatives, tinalakay ang panukalang lilikha ng Philippine Film Commission, isang institusyong inaasahang magsisilbing mas matatag at organisadong mekanismo upang suportahan ang mga filmmaker, producer, at iba pang creative workers.

Ang ganitong hakbang ay mahalaga upang magkaroon ng malinaw na direksyon ang pag-unlad ng industriya at mas mapalawak ang oportunidad para sa mga Pilipinong may talento sa larangan ng pelikula.

Hindi maikakaila na sa kabila ng tagumpay ng ilang pelikulang Pilipino sa lokal at internasyonal na entablado, marami pa ring hamon ang kinahaharap ng industriya—mula sa kakulangan ng pondo, limitadong distribusyon, hanggang sa pangangailangan ng mas malinaw na polisiya na susuporta sa mga gumagawa ng pelikula.

Aba’y sa ganitong konteksto, ang pagsusulong ng isang komisyong tututok sa pag-unlad ng sektor ay isang makabuluhang hakbang tungo sa mas sistematikong pag-unlad ng sining at aliwan sa bansa. Kapansin-pansin din ang mga mungkahi ni Atayde na nakatuon sa pagpapalakas ng administratibong kahusayan at mas epektibong pamamahala ng inaasahang komisyon.

Ipinakikita nito na ang layunin ng panukala ay hindi lamang lumikha ng bagong ahensya, kundi tiyaking magiging epektibo ito sa pagtugon sa pangangailangan ng industriya. Ang industriya ng pelikula ay hindi lamang tagapaghatid ng aliw. Ito rin ay salamin ng kasaysayan, kultura, at pangarap ng sambayanang Pilipino. Sa bawat pelikulang nalilikha, may kuwento ng buhay, pakikibaka, at pag-asa na naipapahayag sa mas malawak na madla.

Ito ay magpapalakas sa industriya ng pelikula.

Ang patuloy na suporta rito ng mga mambabatas tulad ni Cong. Arjo Atayde, ay patunay na kinikilala ng pamahalaan ang mahalagang papel ng sining at kultura sa paghubog ng mas makulay at masiglang kinabukasan para sa Pilipinas.

87

Related posts

Leave a Comment