ISANG panukalang batas ang isinusulong ngayon ni Senador Grace Poe upang makapaghatid ng serbisyo ng pagbabangko sa kanayunan dahil parami nang parami ang mamamayan na gumagamit ng digital transaction sanhi ng alalahanin na mahawa ng COVID-19.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, na kanyang pangungunahan ang isang virtual hearing sa Huwebes upang talakayin ang isang panukalang naglalayong magtayo ng “Bangko sa Baryo.”
Ayon sa mambabatas, layunin ng panukala na palawakin ang pagbabangko sa pamamagitan ng “cash agents” at magsilbi sa malawak na client base partikular sa lugar na may mababang kita at rural areas.
“Marami ang hindi nagbabangko dahil limitado o wala silang access sa serbisyo ng bangko na kailangan nila,” ayon kay Poe.
“Kapag nagbabangko na sila, makatitipid ng oras at salapi ang ating mamamayan habang nagiging aktibong kalahok sa ekonomiya na makatutulong sa kanila upang malampasan ang epekto ng pandemya,” giit pa ng senador.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1682 na inihain ng senador, gustong kalapin ni Poe ang mga “cash agents” tulad ng pinagkakatiwalaang convenience stores, parmasiyutiko at iba pang highly accessible retail outlets upang pagsilbihan ang hindi nagbabangko at hindi napagsisilbihang Filipino.
Aniya, sa pamamagitan ng cash agents, maaari nang makapagsagawa ang mamamayan ng ligtas na online, real time na withdrawal o deposit transactions sa kanyang sariling bank account, fund transfer, check encashment, bills payment at self-service transactions.
Dapat din tumanggap ang cash agents ng bayad para sa government institutions tulad ng kontribusyon sa Social Security System at premiums sa Philippine Health Insurance Corp., Pag-IBIG atbp.
Sinabi pa ni Poe na kapag mayroon nang “Bangko sa Baryo” matutugunan nito ang hamon sa madaliang paghahatid o pagbibigay ng tulong pinansiyal sa mamamayan kabilang ang mga nawalan ng trabaho o hanapbuhay sanhi ng krisis sa kalusugan.
“Cash aid, loans or any form of assistance can get faster to our people without having to travel long distances or wait in lines,” aniya.
Iginiit pa ng mambabatas na pinakamahalagang patakaran ang financial inclusion sa sa pamahalaan upang pangunahan ang empowerment, broad-based development at inclusive growth sa mga Filipino.
Maaring mag-aplay ang mga cash agent sa bangko at dapat magpakita na nakarehistro ang kanilang negosyo sa Pilipinas.
Bibigyan din ng panukala ng insentibo sa pamumuhunan at buwis ang cash agents na magtatayo ng negosyo sa kanayunan. (ESTONG REYES)
