PAGTATAYO NG CELL SITE HINARANG NG MGA RESIDENTE SA PARAÑAQUE

NAGHAIN ng petisyon ang mga residente ng isang subdibisyon sa Parañaque City upang patigilin ang pagtatayo ng cell site ng Dito Telecommunity Corp. dahil sa epekto nito sa kalusugan at kaligtasan.

Sa kanilang petisyon na inihain sa barangay, mariing tinututulan ng mga residente ng Welcome Village, San Antonio Valley 1, Parañaque ang cell site at nagsabing bigo ang Dito na talakayin at ipakita sa kanila ang mga detalye ng cell site kabilang ang taas at bigat nito lalo na sa mga nakatira sa 50 hanggang 150 radius.

Anila, walang naganap na pag-uusap sa isyu ng kalusugan at kaligtasan ng cell site.

Dagdag nila, hindi sinagot ng Dito site engineer ang kanilang mga email kung saan hiningi nila ang mga dokumento ukol sa magiging epekto ng cell site sa kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

Binanggit nila na ang Food and Drug Administration (FDA) ay naglabas ng isang advisory noong Setyembre 3, 2020 ukol sa radiation na nagmumula sa mga cell site kung saan sinabi ng ahensiya na bago dapat magtayo ng antenna ng cell site, kailangan itong dumaan sa ebalwasyon upang masiguro ang kaligtasan.

Anila, nagsimulang itayo ng Dito ang cell site noong Oktubre 2020 ngunit ang mga kailangan permiso mula sa gobyerno ay na-isyu lamang ngayong taon. Ang electronics permit ay na-isyu lamang noong Enero 6 at ang building at electrical permit na na-isyu noong Pebrero 19.

Nakasaad sa petisyon na hangad nila na iwasan ang anomang pagkasira o pagkawala ng mga pag-aari at buhay na maaaring idulot ng cell site kung may mangyaring sakuna tulad ng bagyo. (DAVE MEDINA)

292

Related posts

Leave a Comment