INIHAYAG ng Bases Conversion and Development Authority na hindi kasama sa P4.51 trilyong National Expenditure Program ng Department of Budget and Management para sa 2021 ang pondo para sa pagtatayo ng National Academy for Sports.
Sa budget hearing sa Senado, hiniling ni BCDA President Vince Dizon sa mga senador na maglaan ng dagdag na P229 milyon para sa kanilang ahensya na gugugulin sa pagtatayo ng NAS.
“Hindi po sinama ng DBM sa National Expenditure Program ang budget for the National Sports Academy kasi hindi pa yata po napirmahan that time nung pine-prepare po yung budget,” pahayag ni BCDA president Vince Dizon.
“We are actually requesting for some funding based on the newly passed law,” dagdag ni Dizon.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong June 10 ang Republic Act No. 11470 o ang National Academy of Sports Act na naglalayong palakasin ang sports sa bansa at maka-develop ng world-class Filipino athletes.
Sa plano, ang main campus ng NAS ay itatayo sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac at pamumunuan ng BCDA ang konstruksyon.
Sinabi ni Dizon na ang P229 milyon na pondong kanilang hinihingi ay para sa first phase ng development ng akademya.
“On going pa po yung master planning ngayon. We are waiting for the new executive director as well as the Board of Trustees,” paliwanag pa ni Dizon.
Sa ilalim ng batas, ang incumbent education secretary ang magiging chairperson Board of Trustees ng NAS habang ang executive director ay itatalaga ng kalihim at kinakailangang may kinalaman sa larangan ng palakasan. (DANG SAMSON-GARCIA)
