MAGIGISA sa mababang kapulungan ng Kongreso ang dating chairman ng ABS-CBN na si Eugenio “Gabby” Lopez III matapos hilingin ng isang mambabatas na padaluhin ito sa susunod na pagdinig sa prangkisa ng nasabing network.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability o Blue Ribbon committee ng Kamara, hiniling ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na paharapin sa susunod na pagdinig si Lopez.
Hindi kasama si Lopez sa mga opisyales na inimbitahan ng dalawang komite sa pagdinig ng mga ito sa prangkisa at maging sa violations umano ng ABS-CBN kaya nais ni Marcoleta na paharapin na ito.
Ayon kay Marcoleta, isa sa mga agenda ng dalawang komite ay ang citizenship ni Lopez kaya nararapat lamang umano na sagutin niya ito nang personal at hindi ipaubaya sa kanilang mga abogado.
“There are questions that are personal to him. I don’t think that lawyers present will be able to answer all these questions. As a matter of courtesy to the House Representatives he should be here,” ani Marcoleta.
Unang sinabi ni Marcoleta noong nakaraang linggo na pag-aari ng Amerikano ang ABS-CBN dahil ang isa sa mga opisyales nito na si Lopez ay American citizen nang magsimulang manungkulan sa nasabing network bilang director noong 1986.
Tanging noong 2000 umano naghain ng petisyon si Lopez para sa kanyang Filipino citizenship at naaprubahan ito noong 2002 kaya lumalabas na American citizen si Lopez sa halos dalawang dekada nito sa ABS-CBN kung saan ito naging president/CEO.
“The issue of citizenship is a serious matter. I hope that representatives of ABS-CBN will find in their heart the importance of being able to motivate him, convince him to be present,” ani Marcoleta.
Dahil dito, inatasan ni Palawan Rep. Franz Alvarez, chairman ng Legislative franchise committee ang committee secretary na magpadala ng imbitasyon kay Lopez para dumalo sa susunod na pagdinig. BERNARD TAGUINOD
