PAKIKIRAMAY SA MGA NASALANTA NG BAGYONG ROLLY

BAGO ang lahat ay nakikiramay tayo sa ma taga-Bicol at ­Southern Tagalog Region na labis na ­sinalanta ng bagyong Rolly. Sana makabangon agad sila at sana matulungan sila ng gobyerno sa lalong madaling panahon.

Dobleng dagok ito sa mga biktima ng bagyong Rolly dahil hindi pa nakakawala sa pandemya ng covid-19 ay lalo silang inilugmok ng bagyo. Makakaasa kayo na kasama kayo sa mga dasal namin.

Sana hindi na magkakaroon ng mas malakas na bagyo sa mga susunod na mga araw dahil nakalubog na sa kahirapan ang mga kababayan natin dahil sa pandemya at dadagdagan pa ng kalamidad ay talagang lalong gagapang sa hirap ang mga tao. Sana maawa sa atin ang May Likha.

**********

Kumusta na kaya yung mga pulitiko na ginagamit ang mga sakuna lalo na ang bagyo noong nakaraang kampanya kaya sila nanalo?

Mukhang wala tayong ­naririnig sa kanila ah.

Hindi na tayo magbabanggit ng pangalan pero hindi ba ang sentro ng kanilang kampanya noon ay may kaugnayan sa kalamidad na nagpapahirap sa mga Filipino taon-taon?

Ang natatandaan ko may halong batikos sa isang institusyon ang kanyang campaign advertisement noon dahil wala raw ginagawa para mapaghandaan ang kalamidad na taon-taon nararanasan ng mamamayang Filipino.

Nananalo naman sila pero marami nang bagyong ­dumating simula nang maupo sila pero parang wala na tayong naririnig sa kanila.

Parang wala pa silang ginagawa para maibsan sana ang epekto ng kalamidad sa mga tao.

Sigurado naman ako na hindi sila binagyo pero bakit ang tahimik nila? Dahil ba nanalo na sila at ginamit lang talaga ang mga kalamidad para sila ay maluklok sa kapangyarihan?

Eto ang sinasabi ko sa mga pulitiko, kapag nangangampanya ay ipinapangako ang langit at lupa pero kapag nanalo at nakaupo na ay hindi na naalala ang kanilang pangako.

Tayong mga botante naman paniwalang-paniwala tayo sa kanilang mga pangako. Hindi na tayo natuto na madalas ay nadedenggoy tayo ng mga pulitikong iniluklok natin sa kapangyarihan.

**********

Parang yung isang senador dyan na kinober namin ang partidong nagdala sa kanyang kandidatura 6 na taon na ang nakakaraan na nangako sa mga public school teacher sa isang campaign sortie sa Quezon province na dodoblehin ang kanilang sahod.

Naaawa raw kasi ito sa mga public school teacher na napakaliit ang sahod kumpara sa mga tulad nila sa Singapore, Taiwan, South Korea, Thailand at maging sa Malaysia.

Nangako ito na kapag nanalo siya ay dodoblehin ang sahod ng mga public school teachers para makahabol man lang sa sahod ng mga katulad nila sa mga nabanggit nating bansa.

Pero matatapos na ang kanyang termino ay hindi pa naghahain ng panukala na doblehin ang sahod ng mga public school teacher.

Oo tumaas ang sahod ng mga public school teachers dahil sa Salary Standardization Law 5 na hindi siya ang may gawa.

Sabihin na natin na kasama ang senador na ito sa bumoto ng pabor sa SSL 5 pero ang itinaas ng sahod ng mga public school ­teachers ay P2,000 lamang. Hindi doble!.

176

Related posts

Leave a Comment