PALASYO DEDMA KAY LENI

AYAW pag-aksayahan ng panahon ng Malakanyang ang maagang pamumulitika at pangangampanya ni Vice-President Leni Robredo.

Tugon ito sa sinabi ni OVP spokesperson Atty. Barry Gutierrez na masyadong nakatuon ang pansin ng administrasyon sa pag-atake sa pangalawang pangulo, kaysa tugunan ang mga problema ng bansa.

“Well, hindi po, hindi po namin siya pinag-aaksayahan ng panahon.

Tuloy po ang aming mga pagtatrabaho samantalang si VP Leni po ay namumulitika at nangangampanya na para maging presidente sa pamamagitan po ng kanyang walang tigil na birada sa administrasyon,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“Nakatutok po kami sa trabaho at ang pulitika po is at the very far and at the back … at the end of the mind of the President. Trabaho lang po kami. Patuloy ang paninilbihan,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Nitong Lunes ng gabi, binanatan muli ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Robredo dahil sa umano’y mababa pa ring tiwala ng healthcare workers sa Chinese-vaccine na Sinovac.

Batay sa tala ng Department of Health, as of March 7, mayroon nang 35,669 healthcare workers na naturukan ng unang dose ng bakuna.

Target ng gobyerno na maturukan ang tinatayang 1.8-million na frontline healthcare workers ngayong buwan hanggang Abril. (CHRISTIAN DALE)

100

Related posts

Leave a Comment