PALPAK ANG PARTY-LIST SYSTEM

EDITORYAL

MULA sa pagbabalangkas hanggang sa ganap na maging batas noong Marso 1995, inakala ng mga abang sektor ng lipunan na magkakaroon na sila ng tinig sa Kongreso sa bisa ng Party-list System Act.

Subalit makaraan ang tatlong dekada, nganga pa rin ang mga magsasaka, mangingisda, may kapansanan, migrante, manggagawa, maralita at iba pa.

Dangan naman kasi, hindi naman mga tunay na marginalized sector ang kinakatawan ng mga party-list congressman sa ating Kamara de Representante at sa madaling salita, puro sila mga pekeng kinatawan ng abang sektor ng lipunan.

Sa ilalim ng Republic Act 7941, hangad ng naturang batas na bigyan ng tinig ang bawat sektor ng lipunan sa ating Kongreso: “The state shall promote proportional representation in the election of representatives to the House of Representatives through a party-list system.”

Kaya nga sa pagsapit ng Mayo 12, 156 na mga party-list group ang pagpipilian ng mga botante. Marami sa kanila, matamis kung mangusap, matikas bumigkas at kung mangako ay wagas, na tila ba sanay-na-sanay mambola sa mamamayan.

Sa datos ng grupong Kontra Daya, lumalabas na 86 (higit pa sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga party-list group) na kalahok sa halalan sa Mayo, ay mula sa pamilyang tradisyonal na politiko o ‘trapo’.

Sa pasilip ng grupong Kontra Daya, kabilang sa mga tinukoy na party-list groups ang 4PS ng mga Abalos, ACT-CIS ng mga Tulfo, Ako Bicol sa pangunguna ng kongresistang nasa likod ng mga bulilyasong kontrata sa gobyerno, FPJ Bantay Bayanihan na itinaguyod ni Senadora Grace Poe-Llamanzares para sa anak niyang si Brian, at ang Tingog party-list ng mag-asawang Romualdez.

Nariyan din ang Duterte Youth (pero senior citizen na ang kinatawan), na dalubhasa sa larangan ng red-tagging, at maging ang mga bigtime na kontratista sa DPWH ay may party-list congressman na rin.

Kung pagbabatayan ang pinakahuling survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS) noong buwan ng Disyembre ng nakalipas na taon at Enero 2025, lumalabas na liyamado sa karera ang mga nabanggit na grupo.

1

Related posts

Leave a Comment