ITO ANG TOTOO NI VIC V. VIZCOCHO, JR.
MAHIGIT kalahating kilometro ng Subic Clark Tarlac Expressway (SCTEx) sa may bahagi ng Dinalupihan, Bataan ang nire-repair sa kasalukuyan para tumaas dahil inaabot ito ng tubig-baha kapag tag-ulan.
Ito Ang Totoo: May mga pagkakataon sa nakalipas na panahon na dahil sa baha sa mismong SCTEx, hindi makatawid ang mga sasakyan sa expressway na nag-uugnay sa Subic Bay Freeport (SBF), kasama na ang Bataan, Olongapo at Zambales, sa rehiyon at iba pang bahagi ng Luzon.
Umaabot sa dalawang metro o anim na piye ang itataas sa naturang bahagi ng SCTEx na may P150-M umano ang budget sa proyekto na inilaan ang North Luzon Expressway (NLEx) Corp. para makumpleto.
Ito Ang Totoo: Sa kasalukuyan, ang ginagawang kostruksiyon ay nagdudulot ng pagbigat ng daloy ng mga sasakyan sa SCTEx kahit pa expressway ito, lalo na kapag oras ng pasok at uwi ng mga manggagawa ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at “locators” ng Subic Bay Freeport.
Gayunman, kapag natapos ang konstruksiyon, inaasahang magdudulot ito ng ginhawa sa biyahe sa SCTEx kahit sa mga pagkakataong masama ang lagay ng panahon, pagmamalaki ni J. Luigi Bautista, pangulo at CEO ng NLEx Corp.
Ito Ang Totoo: Marapat lang na busisiin ng kung anong ahensiya ng pamahalaan, o kahit ng mga epal na senador at congressman, ang “safety aspect” ng mga konstruksiyong tulad ng sa SCTEx.
Halimbawa, itong bahagi ng SCTEx na zig-zag pababa tungo sa “Central Business District” ng Freeport na may bagong gawang dagdag na dalawang “lanes”. Malaking bagay ito sa pagluwag ng daan dahil magkahiwalay na ang papasok at palabas ng Freeport at tig-dalawang “lanes” pa ang mga ito.
Gayunman, nitong tag-ulan ay nakita at naranasan ng mga motorista kung paano umapaw ang tubig-ulan patawid sa maraming bahagi ng daan, bagay na mapanganib dahil sa karagdagang banta ng pagdulas ng sasakyan sa natural na madulas nang yari sa aspaltong daan.
Hindi pa masabi kung ilan na ang naaksidente, muntik maaksidente at maaaksidente dahil sa palpak na disenyo ng daan.
Ito Ang Totoo: Wala tayong makitang bahagi na inilaan na daluyan ng tubig o “drainage” kaya sa daan lang umaapaw.
Huwag na sana hintayin na magkaroon ng malagim na trahedya para maitama ang maling disenyo ng naturang bahagi ng SCTEx tulad ng ginagawang panakip-butas sa maling disenyo sa nire-repair ngayon sa may Dinalupihan.
Dapat simula pa lamang ay inaalam na at ginagawan ng hakbang ang mga bagay na hindi tama sa disenyo at mismong sa paggawa ng daan. Buhay, kaligtasan at kabuhayan ng mamamayan ang nakataya riyan. Ito Ang Totoo!
178