DPA Ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa mga pinagdiskitahan ng nakaraang administrasyong Rodrigo Duterte ang mga traditional jeep na namamasada sa Metro Manila na tila gustong paglahuin sa mga lansangan.
Nagkaroon ng mga modernong jeep sa mga lansangan pero mangilan-ngilan lang dahil hindi kaya ng mga ordinaryong operator na bumili ng napakamahal na sasakyan.
Naglaan ang Department of Transportation (DOTr) ng pondo para i-subsidize ang mga gustong bumili ng modernong jeep pero hindi kinagat ng mga operator dahil P160,000 bawat unit lang ang sasagutin ng gobyerno sa mahigit isang milyong pisong halaga ng modernong jeep.
Bukod kasi sa mahal, sa tingin pa lang ng mga tsuper sa modernong jeep ay hindi magtatagal. Hindi kasing tatag ng mga traditional jeep ang mga bagong sasakyan na gustong ipalit sa kanilang unit.
Nagtataka lang ako bakit ikinasa agad ng nakaraang administrasyon ang phase-out sa mga traditional jeep, eh, wala pang alternatibong masasakyan ang commuters araw-araw.
Kung magkakaroon ng alternatibong masasakyan ang mga tao na mas mabilis tulad ng tren ay hindi na sasakay ang mga iyan sa mga traditional jeep o kaya sa mga barumbadong bus.
Kaso walang opsyon ang mga tao kundi sumakay sa mga pampasaherong jeep kahit lumang-luma na, kakarag-karag at nagbubuga ng maitim na usok.
‘Yung mga modernong jeep naman ay mangilan-ngilan lang at hindi kayang iserbisyo ang lahat ng pasahero ng mga traditional jeep kaya naghahari pa rin ang mga “hari ng lansangan”.
Walang naidagdag ang nakaraang administrasyon na tren lalo na sa Metro Manila sa anim na taon nilang pamumuno. Ang ginawa lang nila ay ni-repair ang MRT 3 pero ‘yung sasabihin mong may bago….wala!
‘Yung subway nila? Ayun kasisimula lang kung kailan tapos na ang kanilang termino at sa 2027 o 2028 pa magsisimulang magamit ng mga tao pero kung sinimulan nila ‘yan noong 2016 baka ngayon ay napakikinabangan na.
Walang ipinagkaiba sa MRT7 na matagal na dinesisyunan ni dating Pangulong Noynoy Aquino na simulan gayong nakalatag na ang programa sa kanyang mesa sa simula pa lang ng kanyang termino noong 2010.
Kung agad dinesisyunan ang pagtatayo ng MRT7 baka siya mismo ang nagbukas niyan dahil kaya namang gawin ‘yan ng anim na taon pero wala, eh, nagteka-teka.
Balik tayo sa phase-out ng traditional jeep ng Digong administration: Hindi na nilaanan ng budget sa 2023 ang subsidy sa mga modernong jeep. Paano ‘yan, tigil na ang pagdami ng mga sasakyan na ipapalit sana sa mga traditional jeep?
Mabuti ‘yan dahil walang kuwenta ang programang ‘yan hangga’t kapos na kapos sa opsyon ang mga tao kung saan sila sasakay papasok at pauwi sa kanilang trabaho.
