PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
NGAYON na, hindi na pwedeng ipagpabukas pa.
Matapos ang sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha sa lungsod ng Maynila, naghanda na si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso ng isang Master Drainage Plan upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan ng lungsod.
Makatutulong ang madalas na paglilinis ng mga kanal, imburnal, estero at iba pang lagusan ng tubig-baha, pero hindi ito sapat, sabi ni Yorme.
Kailangan na ang todo, malawakan at sama-samang kilos ng lahat, lalo na ang national government, kaya noong Huwebes, nang dumalaw sa Maynila si President Bongbong Marcos para magbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog, personal na ibinigay ni Yorme Isko ang kopya ng inihandang plano at solusyon sa palagiang pagbaha sa siyudad – na ang epekto ay pagkapilay sa galaw ng buhay ng Manilenyo at pagtigil ng serbisyong magpapasigla sa kabuhayan at ekonomiya ng bansa.
Malinaw ang intensiyon ng alkalde: maihanda ang maayos at panatag na buhay ng taumbayan, at upang magawa ito, kailangan ang isang malawak, matinong plano at tulong ng pambansang gobyerno.
Salamat naman at malugod na tinanggap ng Pangulo ang inihandang Master Plan at nagbilin siya kay Yorme: Makipag-ugnayan sa DPWH, sa MMDA at sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Bakit naisip ni Yorme ang Master Plan kontra pagbaha?
Aniya, hindi ito pagtupad lamang sa kanyang tungkulin sa mamamayan na tiyakin ang kapanatagan at kaligtasan ng taumbayan.
“Ito rin ay pamana natin sa mga susunod na henerasyon ng Batang Maynila,” sabi ng alkalde.
Tama naman, kailangang balikatin ni Yorme Isko ang problemang pagbaha na natural na pangyayari sa bansa – na kung ilang daan ulit na “pinapasyalan” ng kalamidad tulad ng bagyo, malakas na buhos na ulan at mabangis na lindol.
Upang magawa ang lubos na solusyon sa problemang ito, nangangailangan ito, ayon sa mungkahi, ng P140-bilyon na gagawin sa dalawang paraan.
Pagkukumpuni o pagtatanggal at pagpapalit o paglalagay ng mga bagong imburnal, kanal, paglilinis at pag-aalis ng mga barang dumi, basura at iba pa sa lahat ng daluyan ng tubig.
Kung magawa na ito, ang palagiang monitoring kung gumagana pa ang mga nagawang proyekto at tiyakin na laging nasa maayos na operasyon ng mga ito.
Kasama sa plano, ayon sa ibinigay na plano sa Pangulo, ay ang pagsasaayos at ang pagtatayo ng mga bagong pumping stations – sa buong Metro Manila, mayroong 72 nito na ang 24 ay naitayo sa Maynila.
Upang mapabuti ang mabilis na pagkawala ng tubig-baha, kailangan ng Maynila ng 15 pang pumping station, ayon kay Mayor Moreno.
Sa plano, uunahin ang mga bahaing lugar malapit sa mga paaralan, ospital, mga opisina ng gobyerno, mga lugar ng negosyo, at kasunod ang iba pang lugar na matagal bago mawala ang tubig-baha.
Magtatayo rin ng tunnel systems at detention tank sa plano ng lungsod.
Upang magawa ito, kailangan ang modernong makina na magbubungkal sa ilalim na lupa na paglalagyan ng malalaking tunnel at tangke ng tubig na tatanggap sa malaking buhos at lakas ng agos ng tubig-baha.
Malaking trabaho ito na ‘pag naumpisahan, kailangan, tuloy-tuloy upang agad ay matapos, sabi ng alkalde, at dito nga kailangan ang tulong ng lahat ng mga opisina ng pamahalaang lungsod, at ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan.
At sa harap ng mainit na usapin sa korapsyon kaugnay ng flood control projects, habang sinusulat natin ito, may nagaganap na maiinit na protesta sa Metro Manila at sa ibang rehiyon ng bansa, sinabi ni Mayor Moreno na magiging mahigpit ang pagbabantay niya at ng pamahalaang lungsod upang hindi mangyari ang pagwawaldas sa pondo ng bayan.
Bago ibinigay sa Pangulo ang Master Plan, masusing pinag-aralan ito ng pamahalaang lungsod tulad ng City Planning and Development Office, Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office na nagtulong-tulong upang matiyak na ang implementasyon ay maging maayos at matagumpay.
Ayon sa bilin ni PBBM, nabatid na mayroon nang pakikipag-ugnayan si Mayor Moreno at ang mga opisyal sa city hall, sa DPWH, MMDA at sa Unified Project Management Office (UPMO) na siyang may pangkalahatang tungkulin mamahala sa maayos na koordinasyon at pagbabantay sa mahahalagang gawaing imprastraktura na tulad ng Master Drainage Plan ng Maynila.
Gumagalaw na rin ang Manila Engineering and Public Works, Department of Public Services, at iba pang may kinalaman sa proyektong ito upang kapag naumpisahan na, wala nang gaanong problema at sagabal.
Umaasa si Mayor Domagoso sa todong tulong ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office (FCSMO) na makikiisa sa planong gawing ligtas sa pagbaha at kalamidad ang Maynila.
Kasama, siyempre ang Manila City Council sa planong ito na naghanda at nagpatibay ng lahat ng kailangang ordinansa, resolusyon at pagbibigay ng kapangyarihan kay Mayor Isko upang magawa, mapagtibay at mapondohan ang drainage master plan.
Ang totoo, noon pang unang termino ni Yorme Isko binalak ang totohanang pagsasaayos ng lahat ng daanan at lagusan ng tubig baha sa Maynila – ganyan ka-visionary ang alkalde sapagkat tanging ang kabutihan, kagalingan ng Manilenyo ang laging nasa isip niya.
Sana, agad na maisakatuparan ang drainage master plan na ito – na isang pamanang tatagal para sa mas maunlad, matatag at panatag na buhay ng mamamayang Manilenyo, sa mga susunod na taon at sa kinabukasan ng bagong henerasyon.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
