REHAS na bakal na ang minamasa ng isang panadero nang wakasan ng PNP-Police Regional Office 5 ang anim na taon nitong pagtatago sa batas makaraang gahasain ang isang 16-anyos na dalagita sa bayan ng Placer sa lalawigan ng Masbate.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-PRO5 Regional Director Jonnel C. Estomo, kinilala ang suspek nasi Joel Tenorio Bataliran, 23, binata.
Si Bataliran ay dinakip sa ikinasang law enforcement operation ng pinagsamang mga operatiba ng Placer MPS at Provincial Highway Patrol Team, sa bisa ng warrant of arrest na nilagdaan ni Hon. Judge Igmedio Emilio F. Camposano, ng RTC Branch 49, Cataingan, Masbate noong Nobyembre 14, 2019 sa kasong paglabag sa RA 8353 sa ilalim ng Criminal Case No. 3307-19.
Inaresto ang suspek dakong alas-11:00 ng umaga noong Hunyo 28, 2021 sa tirahan nito sa Sitio Kalubian, Brgy. Katipunan, Placer, Masbate.
Ayon sa biktima, alas-otso ng gabi noong Hulyo 2, 2015 nangyari ang insidente makaraan siyang pwersahang dalhin ng suspek sa kwarto nito at ginahasa.
Si Bataliran ay ika-pito sa listahan ng municipal most wanted persons ng Placer MPS. (JESSE KABEL)
