PANAHON NG PAGBIBIGAYAN

EDITORIAL

SA panahong nagniningning ang diwa ng pagbibigay ay muling sumingit ang panawagan ng DSWD sa publiko na huwag limusan ang mga pulubi o mga pamilyang nakatira sa mga lansangan ngayong Kapaskuhan.

Ito ay taliwas sa maluwalhati at akto ng kagandahang-loob at bukas-palad na gustong bigyan ng pagkakataon ng mga maawain para sa kapuspalad.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, may mga satellite office sila sa iba’t ibang bahagi ng Metro Metro na tumatanggap ng donasyon para sa mga pamilyang nasa lansangan.

Panawagan ni Gatchalian, ang kagandahang-loob ay puwedeng gawin sa mas organisadong pamamaraan, huwag gawin sa lansangan dahil delikado sa mga nakatira sa mga kalye na nangangailangan ng tulong.

Pero dapat ikonsidera ng kagawaran na walang pinipiling lugar ang bukal sa loob na pag-aabot ng tulong.

Ang mga palaboy ay nangangailangan ng agarang tulong, na hindi pwedeng ipagpaliban.

Ang maliit na halaga o kaunting pagkain ay tutukod sa araw-araw na pangangailangan ng mga palaboy.

Ang kaganapan at larawang nakikita sa mga lansangan ay depiksyon ng kabiguan ng programa ng departamento na maresolba ang problema sa mga nakatira at namamalimos sa lansangan.

Dapat bang pagbawalan ang mga gustong magbigay ng direktang tulong?.

Bawal ang mamalimos at mag-abot ng limos, ngunit ngayong Pasko ay huwag sanang ipagdamot sa gustong magbigay ang bukas-palad nilang pagtulong.

Ang ahensiya ay may Oplan Pag-Abot, na naglalayong tulungan ang mga pamilya sa kalsada na gustong bumalik sa kanilang probinsiya.

Nasa ilalim ng Oplan Pag-Abot project na tinawag na “Pag-Abot sa Pasko” ang special reach-out operations for families and individuals in street situations (FISS).

Ang Oplan Pag-Abot ay iba sa Balik Probinsiya” program ng nakaraang administrasyon.

Bukod sa transportation allowance ng beneficiaries, nagbibigay rin ang DSWD ng livelihood packages.

Maganda ang programa kung ang implementasyon ay sagaran.

May programa man ang ahensiya para sa mga palaboy, pero huwag naman sanang kontrolin ang tao sa hangarin nilang magbigay at mag-abot ng direktang tulong sa mga nangangailangan.

May kanya-kanyang rason ang nagbibigay ng limos, at sa panahon tulad ng Pasko ay kawalan ng pakiramdam, malasakit at awa ang sabihing huwag maglimos.

217

Related posts

Leave a Comment