IBINIDA ng Rizal Provincial Police Office (Rizal-PPO) ang kanilang mga programa upang hindi na uusbong pang muli ang insurhensiya sa lalawigan matapos itong ideklarang insurgency-free ng Philippine Army noong Setyembre 23, 2024.
Ito ang tinuran ni PCol. Feloteo Gonzalgo, provincial director ng Rizal-PPO, sa harap ng mga mamamahayag na kabilang sa PaMaMariSan-Rizal Press Corps sa isang courtesy call kamakailan.
“Ang totoo, noong umupo ako [bilang provincial director] dito sa Rizal, alam kong halos wala na ang insurgency batay ‘yan sa impormasyon ko dahil ‘laking’ intelligence ako [sa Camp Crame],” ang pahayag ni Gonzalgo.
Sinabi pa ng direktor na mula nang ideklarang insurgency-free na ang lalawigan, pinanatili ito ng kanyang sinundang provincial director ganoon din aniya ng kanyang counterpart sa Philippine Army.
“Sa ngayon wala na ditong guerilla front. Actually, sa buong Pilipinas, dalawa na lang ‘yan eh. Kung mayroon man, siguro ito ‘yung mga patawid-tawid mula sa Quezon province patungong Bulacan,” dagdag pa ni Gonzalgo.
Inamin ni Gonzalgo na may 2 areas sa Rizal, ang bayan ng Montalban at Tanay, na patuloy nilang binabantayan at dahil ito ay kompidensiyal, hindi muna anila puwedeng sabihin ang ganilang mga ginagawa.
Ayon pa sa direktor, mahigpit nilang binabantayan ang relocation sites dahil ito aniya ang pinupuntirya ng mga rebelde upang mangganyak (brainwash) ng mga bagong miyembro.
“Dahil sa kahirapan, kawalan ng trabaho kung kaya may posibilidad na pasukin muli ng underground movements at doon sila mangre-recruit ng mga would-be rallyist,” saad pa ni Gonzalgo.
Patunay rin aniya na wala nang pangil ang New People’s Army (NPA) ang patuloy na pagbabalik-loob ng mga dating rebelde sa pamahalaan kasama ang mga katutubo na dati nilang naimpluwensiyahan.
Katunayan aniya, noong Hulyo 28, 2025 ay nagkaloob ng livelihood assistance sa 20 mga dating rebelde ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng programang Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.
Layon ng programa na bigyang suporta ang mga nagbalik-loob sa pamahalaan upang makapagsimulang muli ng mapayapang pamumuhay kasama ang kanilang mga pamilya.
(NEP CASTILLO)
96
