Panawagan ng LPP at LIPI MAKABAYAN BLOC RESIGN ALL NOW

NELSON S. BADILLA

NANAWAGAN kahapon ang dalawang kontra-teroristang organisasyon na magbitiw ang mga kongresista ng Makabayan bloc dahil sila ay “tagapagbandila ng linya ng CPP-NPA-NDFP” (Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines).

Iwinasiwas ng League of Parents of the Philippines (LPP) at Liga Independencia Pilipinas (LIPI) ang kanilang panawagan sa harap ng Senado kasabay sa patuloy na pagdinig nito hinggil sa “red-tagging” ni Lieutenant General Antonio Parlade Jr. ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Makabayan bloc.

Sa kanilang press statement, idiniin nina LPP President Remy Rosadio at LIPI Secretary-General Jose “Pepe” Goitia na “sinisigaw namin ang aming panawagang Makabayan congressmen resign all now!!! [dahil] ang inyong ipinapakita ay taliwas sa gawain ng mga mambabatas. Mukhang iba ang nagiging papel ninyo sa Kongreso. Kayo po ang nagiging tagapagbandila ng linya ng CPP-NPA-NDFP”.

“Ginagamit ninyo ang mga democratic institution para anayin ang gobyerno at wasakin ito sa loob,” patuloy na bigwas nina Rosadio at Goitia.
Anila pa, “Mismong sa bibig ng mga representative ng Makabayan na halos proteksyunan nila ang CPP-NPA-NDFP. At nagsisilbing tagapagsalita at propagandista o mouthpiece sila ng nasabing teroristang grupo”.

“Matibay ang panindigan [ng Makabayan] na hindi dapat kondenahin ang CPP-NPA-NDFP [hinggil] sa mga gawaing terorismo nito at gawang kontra mamamayang adhikain,” patuloy na birada nina Rosadio at Goitia. Nakakikita rin umano sila ng pararelismo sa gawain ng mga ito mula sa magkatulad na ideolohiya at magkatugmang perspektiba sa pulitika.

Ipinamukha rin ng LPP at LIPI sa pamunuan ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Jay Velasco, na “malinaw pa sa sikat ng araw ang taktikang paggamit ng CPP-NPA-NDFP sa Kongreso, sa pamamagitan ng Makabayan bloc congressmen.

Kaya, hiniling din nila kay Velasco na kumilos ito para mapatalsik ang anim na kongresista ng Makabayan bloc.

Ang Makabayan bloc ay binubuo sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Sarah Elago.

Matatandaang binoykot ng anim ang unang pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Peace, Security, Unification and Reconciliation noong Nobyembre 3.

Ang dumalo ay ang dating kadre ng CPP at NPA na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz na ibinunyag ang mga krimeng ginagawa umano ng pamunuan ng teroristang grupo tulad ng pangingikil sa mga kumpanyang telekomuniskasyon at panggagahasa ng mga kumander ng NPA sa mga batang babaeng rebelde.

127

Related posts

Leave a Comment