SINOPLA ng mga senador ang suhestyon ni Congressman Mikee Arroyo na ipagpaliban ang 2022 national elections dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Sen. Imee Marcos, labag sa Saligang Batas ang anomang hakbang upang pigilan ang pagsasagawa ng national at local elections.
Sinabi nina Sotto at Lacson na isa sa magiging epekto ng pagpapaliban ng eleksyon ay ang usapin kung sino ang hahawak ng mga mababakanteng posisyon.
“To name a few, -who will hold over their positions? If not, who will appoint their replacements? The tenure of elected govt officials are fixed,” saad ni Sotto.
“Pinag-aaralan mabuti yan. It’s not only the pandemic to consider kundi pati dayaan,” diin pa nito.
Sinabi naman ni Lacson na pag-aaksaya lamang ng oras at enerhiya ang pagtalakay sa postponement ng halalan.
“Just so it is clear, cancelling or postponing the election to pave the way for the extension of the terms of office of the President, Vice-President, 12 senators, district representatives as well as elected local government officials beyond June 30, 2022 is a clear violation of the Constitution,” saad ni Lacson.
“At the end of the day, it is the Constitution that should guide all of us in this regard,” diin pa nito.
Sinabi naman ni Marcos, chairperson ng Senate electoral reforms and people’s participatio committee, na maraming bansa ang nagsagawa ng halalan sa gitna ng COVID-19 pandemic tulad ng South Korea, Taiwan, Belarus, Singapore, Iceland, Poland at sa Nobyembre ay sa Estados Unidos.
“However, we should explore all possible scenarios: the three-day in-person recommendation of Comelec, expanded early voting, mail-in ballots and, even in select cases, livestream online voting,” diin ni Marcos.
Binigyang-diin naman ni Senador Bong Go na dapat magawan ng paraan na maituloy ang eleksyon at kailangang pag-aralan ang ibang alternatibong paraan gamit ang teknolohiya kung paano maisasagawa ang eleksyon sa paraan na malinis, may kredibilidad, naaayon sa batas, at ligtas para sa mamamayan.
“We still have time to prepare. Let us also study best practices conducted in other countries.
Postponing the elections should be a last resort. The government must ensure continuity of delivery of public services, including protecting Filipinos’ right of suffrage, even in times of crises,” saad ni Go.
Sa Kamara, pinalagan din ng mga kapwa mambabatas ang mungkahi ni Arroyo.
Para sa Makabayan bloc, hindi papayagan ng mamamayan na gamitin ng mga nakaupong opisyales ng gobyerno ang pandemya sa COVID-19 para manatili ang mga ito sa puwesto.
“Pangongondisyon ito para gawing sangkalan ang pandemya para sa walang kahihiyang pananatili sa poder ng Duterte clique. Hindi papayag ang mamamayan,” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa virtual press conference kahapon, Biyernes.
Nangangamba si Arroyo na kapag natuloy ang eleksyon sa 2022 ay marami ang hindi makaboboto dahil takot lumabas ang mga tao lalo na kung wala pang gamot pagdating ng halalan.
“Ang Sri Lanka, Belarus, Singapore, at South Korea matagumpay na nakapaglunsad ng eleksyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ang United States, na may mas mataas na COVID-19 death toll, ay nakatakdang maglunsad ng presidential election sa darating na November 3. Kaya wala tayong nakikitang obhektibong basehan para i-postpone ang eleksyon sa 2022,” ayon pa kay Brosas.
Itinuturing naman ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na self-serving ang ideyang ipagpaliban ang 2022 presidential election dahil ang mga nakaupo lang ngayon ang makikinabang.
“Kapag hindi natuloy ang eleksyon recipe na ‘yan ng diktadurya,” pahayag naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaya nararapat lamang na tutulan umano ito ng sambayanan.
Sa panig naman ni Rep. Eufemia Cullamat, ibinasura nito ang katuwiran ni Arroyo na matatakot ang mga tao na lumabas lalo na ang matatanda para bumoto kapag wala pang bakuna sa COVID-19.
“Nagawa nga nilang ibukas ang Manila Bay para tingnan ng mga kababayan natin ang buhanging pinagkaperahan lang, ngayon ay mag-aalala sila na hindi ligtas ang pumunta sa mga presinto para bumoto? Kalokohan ito,” ani Cullamat.
Naniniwala ang mambabatas na kahit may banta pa ng COVID-19 pagdating ng araw ng halalan ay lalabas at lalabas pa rin ang mga tao para bumoto dahil nais ng mga ito ng pagbabago.
Tuloy ang eleksyon Kaugnay nito, tiniyak ng tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy ang eleksyong Pambansa at lokal sa Mayo 2022.
Idiniin pa ni James Jimenez na naghahanda na ang Comelec para sa eleksyon hanggang sa senaryong malala pa rin ang COVID-19 sa panahong ‘yan.
Ipinagtanggol ni Jimenez ang pagtuloy ng halalan sa 2022 nang biglang nagpakawala ng ideyang “postpone the elections” si Arroyo, anak ni dating pangulo at House speaker Gloria Macapagal-Arroyo na kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Jimenez: “As far as the Comelec is concerned, it is already given that by 2022, there is still a pandemic. That is the basis of our preparations.”
“We don’t see a need for it. We do not see the need for a postponement,” patuloy ni Jimenez. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD/NELSON S. BADILLA)
