NAGBUNGA ang pangangalampag ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa Department of Health (DOH) matapos magdesisyon ang mga ito na ibigay na ang allowances ng health workers.
Ayon kay Defensor, nakatanggap ito ng report na ibibigay na umano ng DOH ang allowances ng mga health worker, isang araw matapos niyang ibunyag na ginagastos sa ibang bagay ang kompensasyong laan sa medical frontliners.
Inihalimbawa ng mambabatas ang P36 million na allowance ng mga personnel sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City, na ginamit o ginastos diumano sa ibang bagay.
Bukod dito, isiniwalat din ng mambabatas na imbes na cash ay food items umano ang ibinibigay ng DOH sa ilang health workers na labag sa Bayanihan 2 law.
“Illegal ang ginawang pag-repurpose ng DOH sa nasabing pondo at paglabag sa karapatan ng mga healthworker,” ani Defensor kaya kinalampag nito ang nasabing ahensya na pinamumunuan ni Secretary Francisco Duque III.
Matapos ito, sinabi ni Defensor na nakatanggap ito ng report na cash nang ibibigay ang allowances ng mga health worker at iko-convert na rin umano sa pera ang kanilang meal at accommodation allowances.
“A while ago we received a good news because DOH announced that they will give the said allowances to health workers, this was after Malacañang ordered to convert some of the allowances of health workers to cash such as accommodation, transportation and meals,” ani Defensor.
Naglaan ang Kongreso ng P13. 5 billion sa ilalim ng Bayanihan 2, para sa kompensasyon ng mga health worker tulad ng dagdag na bayad sa kanilang pagsisilbi, meal, transportation at accommodation allowances.
Ayon sa mambabatas, kailangang cash ibigay ang allowances at dapat aniyang bilisan dahil panahon na ng enrollment at kailangan ng mga ito ang pera para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. (BERNARD TAGUINOD)
