PANGGIGIPIT SA MGA TSUPER SA RIZAL INIREKLAMO

NAGREREKLAMO ang Common Transport Service Cooperative (CTSC) dahil sa panggigipit umano ng lokal na pamahalaan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal sa mga miyembro ng naturang transport group.

Ito ay matapos paghuhulihin ng Montalban Traffic Management and Development Office (MTMDO) ang mga bumibiyaheng driver na miyembro ng CTSC.

Ayon sa general manager ng (CTSC) na si Ginang Dhelta Bernardo, masyado silang ginigipit ng lokal ng pamahalaan makaraang paghuhulihin, tikitan at kumpiskahin ang lisensya ng mga bumibiyaheng miyembro ng CTSC ng grupo ng MTMDO na ang ilan ay na-impound pa.

Sinabi ni Ginang Bernardo na ayaw silang pabiyahihin at pinatitigil umano ng munisipyo ng Montalban ang operasyon dahil kolorum umano ang kanilang samahan.

Aniya, pinalalabas ni Charlie Boy Labez, hepe ng MTMDO na expired ang prangkisa ng kooperatiba kaya nagsumite sila ng provisional authority na mga dokumento sa tangapan nito ngunit, hindi aniya ito kinilala.

Aniya, ang isinumite ng CTSC na dokumento ay ang received application for extension of validity na may kasamang resibo mula sa LTFRB.
Katwiran ni Labes, hindi niya ito kikilalanin at ang kailangan niya ay ang mismong desisyon ng LTFRB kaya dapat daw ihinto muna ang operasyon ng modernization jeep ng CTSC.

Ayon kay GM Dhelta, ang rule ng LTFRB kapag nakapaghain na ng application for extension of validity, ito ay good as approved kayat hindi na nila kailangang huminto sa pagbiyahe.

Aniya pa, pinipersonal na sila ng lokal na pamahalaan dahil sa lupa na kanilang binayaran sa tunay na nagmamamay-ari at ginawang terminal at garahe.

Nananawagan ang Common Tansport at humihingi ng tulong sa LTFRB at DOTr na imbestigahan ang lokal na pamahalaan ng Montalban dahil hindi sinusuportahan ang PUV modernization na pangunahing proyekto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. (KNOTS ALFORTE)

313

Related posts

Leave a Comment