Ipinakita ni Pangulong Rodrigo Duterte kung gaano siya kadesidido sa pagpuksa ng korapsyon at ng burukrasya sa bansa.
Pinatunayan niya ito nang tanggalin niya sa panunungkulan at sa posisyon ang mga matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) kasama ang ilang empleyado rito nang masangkot sila sa isyu ng korapsyon sa ahensya.
Umaasa si Pangulong Duterte na maiibsan kahit paano ang korapsyon sa nasabing ahensya bilang resulta ng kanyang ginawa. Marahil ay maraming hawak na impormasyon ang pangulo mula sa mga asset nito na maraming nalalaman ukol sa mga anomalyang nangyayari sa ahensya na kanyang naging basehan sa kanyang naging aksyon.
Bukod sa ginawang malaking pagbabago ni Pangulong Duterte sa BOC, ipinahinto rin niya ang operasyon ng PCSO dahil sa parehong dahilan – korapsyon sa ahensya.
Malinaw na walang sinisino ang pangulo sa kanyang desisyong puksain ang korapsyon sa bansa. Hindi man niya ito mapuksa nang tuluyan, kung magtutuluy-tuloy ang ganitong pamamaraan ng pangulo, tiyak na talagang mababawasan ang korapsyon.
Malakas ang loob ng ating pangulo at ito ay nagiging kapaki-pakinabang para sa ating mga Filipino. Sa pagpuksa ng korapsyon, dapat ay mabigyang pansin din ang nababalitang korapsyon sa industriya ng konstruksyon kung saan pinaniniwalaang nagkakaroon ng dayaan at sabwatan upang mailusot sa merkado ang mga inaangkat na produktong bakal na hindi pasado kapag kalidad na ang usapan.
Napapabalitang may sabwatang nagaganap sa pagitan ng ilang mga ahensya ng gobyerno at ng mga kompanya ng bakal pagdating sa pag-apruba at pagbibigay ng sertipikasyon ukol sa kalidad ng mga materyales na ginagamit sa konstruksyon gaya ng mga bakal na ginagamit bilang pundasyon ng mga gusali sa bansa.
Kung totoo ang alegasyon na ito laban sa nasabing industriya, milyun-milyong buhay ang malalagay sa panganib dahil sa mababang kalidad ng bakal na ginagamit sa pagtatayo ng matataas na gusali. Ang mga Grade 40 kasi na bakal ay nailulusot bilang Grade 60 at ginagamit sa pagtatayo ng mga matataas na gusali. Ayon sa mga eksperto, ang Grade 40 na bakal ay akma lamang sa mga gusali na katamtaman lamang ang lakas.
Hindi kakayanin ng kalidad ng Grade 40 na bakal ang epekto ng malakas na paglindol gaya ng The Big One na pinaniniwalaang maaaring tumama sa bansa anumang oras.
Ako’y naniniwala na ang isyu na ito ay dapat tutukan sa lalong madaling panahon. Huwag na sanang hintayin ng gobyerno na mahuli ang lahat kung saan milyun-milyong buhay ang masasayang dahil sa ganitong klaseng korapsyon at kapabayaan. (Sa Ganang Akin /Joe Zaldarriaga)
