PANIS NA BA SI DIGONG?

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

DEDMA na ang maraming Pinoy sa anomang impormasyon basta’t tungkol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kahit ano pang balita ay parang wala nang epekto sa publiko. Kesyo buto’t balat na siya dahil sa buryong at sakit dulot ng mahigit na tatlong buwan na pagkakahoyo sa Scheveningen jail ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands; humihiling pa na kung matotodas siya sa piitan ay sunugin ang kanyang bangkay at abo na lang ang iuwi sa Pilipinas. Pero hindi na pinag-usapan. Namanhid na kahit ang mga istambay sa mga barberya. Mga DDS na lang ang nag-iingay sa social media. Wala namang pumapansin.

Humirit pa ang numero uno niyang alipores, si Senator Robin Padilla, at naghain ng resolusyon na palayain na si Digong mula sa kanyang kulungan at pabalikin na siya sa Pilipinas. Subalit ultimong ang Senado ay binutata ang kanyang may katangahang panukala.

Hindi pa nakuntento ang kanyang mga tsuwariwap. Sumegunda pa si Senator Alan Peter Cayetano at naghain din ng kanyang kapalpakan, este, ng isa pang resolusyon na humihiling sa ICC na pansamantalang palayain si Digong at ilagay na lang sa embahada ng Pilipinas sa Netherland sa porma ng “house arrest”.

Ano ang pitik na sagot ni Malakanyang Press Officer Claire Castro? Isang simpleng “NOTED” lang. Walang kasamang etse-buretseng paliwanag na ang ibig sabihin ay hindi na nararapat na sagutin dahil wala namang saysay ang iginigiit.

Hindi pa rin nagtataas ng kamay ang mga alipores ni Digong. Nitong nakaraang araw, isa pa ring resolution ang isinumite ni Padilla, Senadores Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa, na humihiling sa gobyerno na igiit sa ICC na ilagay sa “house arrest” ang dating Pangulo kahit saang bahay sa The Hague. Tiyak na dededmahin din lang ito ng Palasyo.

Una pa rito ay may petisyon na rin sa ICC ang kanyang abogado na pansamantalang palayain si Digong at manatili sa ibang bansa habang isinasagawa ang paglilitis. Kesyo, matanda na siya, masasakitin, hindi raw naman tatakas si Digong at marami pang isinasangkalang dahilan. Wala ring resulta.

Tumigil na rin ang mga “bring home PRRD” rallies at iba pang aktibidades sa loob at labas ng bansa para sa kanyang paglaya dahil hindi na umaakit ng atensyon sa news media,

Iisa ang klaro rito – kahit na ano pang pag-iingay ang gawin ng kanilang kampo upang puwersahin ang ICC na ibalik siya sa Pilipinas, suntok sa buwan kung magaganap ito.

Ang resulta ngayon – naumay na si Juan de la Cruz kay Digong. Ayaw na siyang pag-usapan kahit na ano pang isyu o impormasyon, peke man o totoo, ang palutangin ng kanyang kampo. Panis na ba siyang usapin?

Pero huwag nating kalimutan na si Digong ang may kagagawan sa kanyang kinasasadlakan ngayon. Nalunod siya ng kanyang kapangyarihan bilang pangulo. Hindi niya iginalang ang batas at karapatang pantao ng mga biktima ng malawak na extra-judicial killings (EJK) sa ilalim ng kanyang administrasyon. Paulit-ulit ang kanyang utos sa mga tauhan ng estado: “Patayin ninyo! Sagot ko kayo!”.

Dumating na ngayon ang sandali ng paniningil. Ang kaibahan lang, dumaraan si Duterte sa proseso ng batas at inirerespeto ang kanyang “human rights”. Ang mga biktima ng EJK ay hindi. Basta na lang sila tinotodas.

Pero teka, batay sa mga huling balita sa paghahanap sa nawawalang mga sabungero na ayon sa “whistleblower” na si Totoy, ay pinatay at itinapon ang mga bangkay sa Taal Lake, parang muling sasabit si Digong sa isyu.

Dahil ang mga pulis na idinawit ni Totoy ay kasapakat umano ni Atong Ang, ang gambling lord na sinasabing nasa likod ng mga pagpatay sa mga nawawala. Ang mga pulis, partikular ang dalawang opisyal, ay kasabwat din umano sa EJK noong drug war ng dating pangulo.

Putsa! Bakit kapag patayan ay palaging napapadawit si Digong? Ito ba ang kanyang ispesyalidad?

##########

Pumutok na naman ang isyu ng pambu-bully sa mga eskuwelahan. Ang huli ay itong naganap na insidente na kinasangkutan ng limang estudyanteng babae sa Bambang National High School sa Bambang, Nueva Ecija

Naglakwatsa ang lima kasama ang kanilang naging biktima na babae rin. Pagkatapos ng inuman, napagkaisahan ng lima na saktan ang biktima dahil sa umano’y pagpapakalat nito ng tsismis laban sa isa nilang katropa. Hindi pa nakuntento sa karahasan, nagbidyo pa ang isa habang sinasaktan ang biktima, inilagay ito sa social media at naging viral.

Ang desisyon ng mga opisyales ng iskul ay alisin sa kanilang paaralan ang lima. Bukod dito ay mahaharap pa sila sa kasong “cyber-bullying”. Traumatic na karanasan ito sa mga estudyanteng kasangkot.

Pero hindi na bago ang pambu-bully. Maging noong totoy pa ako ay may mga nagaganap na ring ganito, sa iskul man o sa kapitbahayan. Niloloko, tinutukso at sinasapok-sapok ng malaki ang maliit.

Naalala ko noong nasa elementary pa ang aking nag-iisang anak na lalaki. Ordinaryong bata lang siya pati ang pangangatawan. Ang turo ko sa kanya, kapag ginagago siya ng kahit na sinong kaklase at amoy awayan na, unahan na niya ng suntok. At kapag malaki ang kaaway, humanap ng pamalo at ito ang gamiting panghampas. Kapag talagang kailangan, humanap ng buhangin o lupa, idakot ang kanyang kamay at isaboy sa mukha ng kanyang kalaban.

‘Yun nga lang, noong nasa high school at college na siya, wala nang usapan, sinusuntok na niya agad bilang pagsunod sa turo ko. Sumakit din ang ulo ko. Wala namang nangyaring pagsasaboy ng lupa o buhangin. Mabuti na lang dahil malaking problema kung nagkataon. Pero mabait na siya ngayon. Mana sa tatay. Andres de saya rin.

Isa lang ang leksyon dito. Turuan ninyo ang inyong anak na tumindig at ipagtanggol ang kanyang sarili. Hindi puwede sa panahon ngayon ang palaging mabait ang bata. Kailangan din niyang maging tuso dahil magulo ang mundo.

Nakalulungkot lang na hindi matuto si Juan de la Cruz. Matagal na siyang niloloko, ginagantso, ginagago at binu-bully ng mga opisyales ng gobyerno. Pero hanggang ngayon ay hindi niya ginagamit nang wasto ang sandatang ipinagkaloob sa kanya ng Saligang Batas – ang kapangyarihan ng sagradong balota tuwing eleksyon upang pumili ng matapat at karapat-dapat na manungkulan sa pamahalaan.

Palagi pa rin siyang talo.

Tsk, tsk, tsk.

41

Related posts

Leave a Comment