PANUKALA PARA SA DEPARTMENT OF DISASTER RESILIENCE PINASESERTIPIKAHANG URGENT

NANAWAGAN si Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang mga kasamahan na ipakunsidera kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na icertify bilang urgent ang mga panukala para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience.

Ito ay kasunod ng naganap na Magnitude 7.0 na lindol na tumama kahapon ng umaga.

Ayon kay Cayetano, sa ngayon bagama’t maraming masisipag at committed na tauhan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council subalit dahil coordinating agency lamang sila ay hindi sila makakilos ng mabilisan sa panahon ng kalamidad.

Iginiit ng senador na kailangan ng bansa ng isang departamento na nakatutok sa mga kalamidad sa bansa.

Inihayag ni Cayetano na sa ngayon ay inihahanda na niya ang sulat para kay Pangulong Marcos para sa kahilingan na icertify bilang urgent ang panukala subalit kung ikokonsidera anya ng Committee on Rules na gawin para sa liderato ng Senado ay mas makabubuti.

Samantala, kinumpirma ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nagkasundo ang mga senador na mag-aambagan para makalikom ng pondong maitutulong sa mga apektado ng pagyanig.

Sinabi ni Zubiri na pag-aaralan na lamang nila kung kanino ibibigay ang malilikom na tulong. (DANG SAMSON-GARCIA)

150

Related posts

Leave a Comment