IGINIIT ng tinaguriang billionaire congressman na kailangan nang repormahin ang sistema ng pagpopondo upang maiwasan ang matinding korupsyon sa bansa.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste, maraming congressman na ang tutol sa ganitong korupsyon dahil sa maling sistema.
Ang pahayag ni Leviste ay may kaugnayan pa rin sa isyu ng maanomalyang flood control projects ng gobyerno kung saan may mga mambabatas umanong sangkot sa korupsyon.
Binanggit ni Leviste ang kapwa mambabatas na nag-alok sa kanya ng listahan ng mga bagong proyekto para sa kanyang distrito na kanya namang tinanggihan at hindi pumayag sa tinatawag na parking fee kaya sa ibang distrito na lamang inilagay.
“Maraming mga congressman– I would like to defend the perception of congress here. Maraming congressman tutol sa practice na ‘to kaya nga kailangan nating ireporma ang sistema na ito kasi ‘yung mga congressman na tutol sa korupsyon sa parking ng projects sa kanilang mga distrito, ‘yung hindi pa nabibigyan ng budget — kasi kung walang lutuan ng bidding at kickback sa iyong distrito, ililipat na lang ‘yung budget sa distrito kung saan may pinakamataas na kickbacks sa mga projects,” ayon pa kay Rep. Leviste.
Naniniwala si Leviste na makukumbinsi niya at susuportahan siya ng iba pang mambabatas na maipasa ang reporma sa paglalaan ng pondo.
Samantala, hindi naman napigilan ni Leviste ang maging emosyonal at mapaluha dahil sa awa sa kanyang mga ka-distrito.
Aniya, naawa siya sa mga bata na naapektuhan ngayon dahil sa korupsyon at binigyang-diin na kaya nga aniya sila nag-congressman ay para sa kanilang mga ka-distrito.
(JOCELYN DOMENDEN)
33
