IPINANUKALA ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno na pirmahan ng lahat ng opisyal at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang waiver sa bank secrecy law upang maberipika kung sino ang sangkot sa katiwalian.
Ginawa ni Diokno ang mungkahi sa House committee on appropriations matapos humiling si DPWH Secretary Vince Dizon ng isang linggo upang repasuhin ang pondo ng flood control projects, kung saan umano’y P100 bilyon sa P250 bilyon ay inilaan sa mga lugar na hindi naman binabaha.
“Walang dapat ikatakot ang mga opisyal kung wala silang ginagawang katiwalian,” ani Diokno. Idinagdag din niya na dapat masiguro ang mga electronic devices ng mga dating opisyal at empleyado ng DPWH upang makuha ang posibleng ebidensya.
Road Maintenance Busisiin Din
Samantala, iginiit ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima na hindi lamang flood control projects ang dapat imbestigahan kundi pati ang bilyon-bilyong pondo para sa road maintenance.
Ipinunto ni De Lima na may mga rehiyon na mas kaunti ang haba ng national roads ngunit mas mataas ang pondo kumpara sa ibang rehiyon na mas malawak ang sakop. Giit niya,
“Nakapagtataka ang sobrang mahal na preventive maintenance. O ito ba ang halimbawa ng giniba, ginawa, at gigibain ulit para sa SOP at kickback?”
Tiangco vs Garbin
Tinuligsa naman ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang pagtatanggol ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin kay Zaldy Co, na umano’y nakapagpasok ng bilyong-bilyong halaga ng flood control projects sa 2025 budget.
Giit ni Tiangco, normal ang kanyang hiling para sa flood control projects sa Navotas dahil laging binabaha ang lungsod, ngunit hindi ito maituturing na insertion dahil dumaan ito sa bicameral conference committee.
“Ang tanong, paano nakapag-insert ng mahigit P13 bilyon si Zaldy Co para sa ilang distrito na hindi naman humiling nito?” ani Tiangco, na nagbuwelta pa: “Hindi naman ako ‘Cong-tractor’ para makialam sa bidding.”
Infra Committee
Nilinaw naman ni House public accounts chairman Terry Ridon na ititigil ng House infrastructure committee ang imbestigasyon sa flood control projects kapag nagsimula nang magtrabaho ang Independent Commission na itatatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Ridon, ito ay tugon sa panawagan ng publiko at ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na duda sa kredibilidad ng Kongreso sa isyu dahil may mga mambabatas din na nasasangkot sa anomalya.
Gayunpaman, habang hindi pa naitatatag ang komisyon, magpapatuloy ang House at Senate investigations. Dagdag pa ni Ridon, ipatatawag ang lahat ng miyembro ng 2024 bicameral conference committee upang tukuyin kung sino ang nagsingit ng P100-milyong ghost project sa Plaridel, Bulacan. (BERNARD TAGUINOD)
