Para sa 50% ng Pinoy GURO SA PINAS UNDERPAID

KALAHATI ng mga Pilipino ang naniniwalang underpaid o hindi nababayaran nang sapat ang mga guro sa mga pampublikong paaralan.

Ito ay batay sa sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong June 24 hanggang 27 sa 1,200 respondents.

Sa resulta ng survey, 50 percent ang naniniwalang underpaid ang mga public school teachers habang 37 porsyento ang naniniwalang sapat ang kanilang sahod, samantalang tatlong porsyento lamang ang naniniwalang sila ay overpaid o sobra pa ang sinasahod.

Sampung porsyento naman ang nagsasabing hindi nila matukoy kung kulang, sapat, o sobra ang sahod ng mga guro.

Dahil dito, iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na mahalagang maipasa ang panukalang itaas ang sweldo ng mga public school teacher.

Binigyang diin ni Gatchalian na pagdating sa entry level pay, napag-iiwanan na ang mga public school teacher sa bansa kung ihahambing sa ibang mga bansa sa ASEAN.

Sa Indonesia, halimbawa, ang entry level pay ng mga guro ay P66,099 kumpara sa buwanang P25,439 na natatanggap ng mga guro sa Pilipinas.

Sa Senate Bill No. 149 o ang panukalang Teacher Salary Increase Act, iminumungkahi ni Gatchalian na itaas ang sahod ng Teacher 1 sa Salary Grade 13 o P29,798 mula sa kasalukuyang Salary Grade 11 o P25,439; Teacher II sa SG 14 o P32,321 mula sa kasalukuyang SG 12 o P27,608; at Teacher III sa SG 15 o P35,097 mula sa kasalukuyang SG 13 o P29,798. (DANG SAMSON-GARCIA)

326

Related posts

Leave a Comment