NABALITA sa media na umuusad ang mungkahi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na “Balik – Probinsiya Program” (BPP).
Katunayan, naglabas nang Executive Order No. 114 si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Mayo 6 tungkol sa kagyat na pagpapatupad ng BPP ni Go makaraang ipasa ng Senado ang Senate Resolution No. 380 nitong Mayo 4 na humihiling sa pangulo na ipag-utos nito sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang pagkakaroon at pagpapatupad ng BPP.
Busug na busog sa magagandang salita ang EO 114 na nagbibigay ng mga malalakas na argumentong magbibigay nang napakagandang pag-asa sa napakaraming mamamayan sa Metro Manila upang lumipat, manirahan, maghanap-buhay o magnegosyo sa mga lalawigan.
Ipinag-uutos kasi ng EO 114 na paunlarin at iangat ang iba’t ibang mukha ng kaunlaran sa mga lalawigan upang iangat ang buhay ng maraming Filipino na naghanap ng oportunidad at kaginhawaan ng buhay sa Metro Manila, sapagkat hindi maganda ang kanilang buhay sa probinsiya sa nakalipas na mga panahon.
Ang totoo, kung babalikan ang kasaysayan, makikitang hindi bago ang BPP dahil inginuso na ito ng mga nagdaang administrasyon.
Ngunit, hindi rin itinuloy at hindi na rin ipinilit ng mga naunang pangulo dahil maraming balakid.
Ang pangunahing hadlang ay ang pagtutol ng mga politiko sa Metro Manila na paalisin ang mga mahihirap sa kani-kanilang nasasakupan, sapagkat kailangang-kailangan nila ang malaking bilang ng mga botante upang manalo sa eleksiyon.
Mainam kung walang tumututol ngayon sa mga alkalde sa Metro Manila sa batas ni Duterte.
Magaling kung seryoso sina Duterte at Go na paunlarin ang kanayunan upang magtagumpay ang BPP.
Ngunit, uulitin ko, magmumukhang ‘latang walang laman’ at wala palang magandang layunin ang BPP, kundi mag-ingay lamang kung mananatili ang sahod na mas “mababa sa minimum” at mananaig ang tinatawag na “provincial rate”.
Dapat itaas ang minimum na sahod dahil kulang na kulang itong panggastos sa mga pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya.
Dapat magkaroon ng batas na ang parusa sa mga kapitalistang magpapasahod sa kanyang mga manggagawa ng mas mababa pa sa minimum ay “death penalty”.
Halimbawa, sa Region 5 (Bicol) ay P310 lang kada araw ang minimum na sahod alinsunod sa desisyon ng Regional Wage and Productivity Board (RWPB) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa rehiyon.
Kaya nga, limang libo lang ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa Social Amelioration Program (SAP) sa bawat pinakamahihirap na pamilya sa Bicol Region.
Sa Eastern Visayas Region ay P315 lang kada araw ang minimum.
Kung mas mababa pa sa P310 o P315 ang ibabayad ng mga kapitalista sa mga manggagawa na nagpapakapagod nang labis mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon, palagay ko hindi kalabisang tawagin nating kampon ni Satanas ang mga kapitalistang ito.
Kahit saang gilid natin silipin nang sabay-sabay, napakababa ng P310 at P315 kada araw. Kahit itaas pa ito sa P311 at P316, mababa pa rin.
Dapat higit na mataas dito, sapagkat nagtataasan ang lahat ng presyo ng mga bilihin.
At kapag itinaas, dapat pare-pareho ang sahod nang lahat ng mga manggagawa sa lahat ng lalawigan, lungsod at bayan mula tuktok ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao upang umiral ang pagiging patas sa lahat.
Subukan ninyong magtanong sa mga residente ng Pangasinan kung magkano ang presyo ng bigas, baboy, manok, isda, gulay, prutas, mantika, toyo, suka at napakarami pang iba.
Sigurado akong sasabihin sa inyo na kasing nipis ng karayom ang agwat o distansiya ng presyo sa Metro Manila at presyo sa Pangasinan ng mga nabanggit kong produkto.
Pero, alam n’yo bang P340 kada araw ang sinusunod na suweldo sa Pangasinan batay sa desisyon ng RWPB ng DOLE sa Ilocos Region.
Sa Metro Manila ay P537 kada araw ang minimum.
Sukatin natin ang layo ng dalawa at sigurado akong mauubos ang lahat ng karayom sa Pilipinas, pero hindi magkakalapit ang sahod ng dalawang lalawigan kapag patuloy na susundin at ipatutupad ang provincial rate.
Ang tanong ko ngayon, maganda bang bumalik at manirahan sa mga lalawigan ang napakaraming residente ng labing-anim na lungsod at isang bayan sa Metro Manila kung napakaliit ng sahod ng mga manggagawa?
Ang masarap lang sa lalawigan ay ang preskong hangin at maaliwalas na kapaligiran.
Ngunit, kung ekonomiya ang pag-uusapan ay pihadong kahirapan din ang kababagsakan ng napakaraming Filipino kung babalik sila sa mga lalawigan.
Upang maganap ang napakagandang pangako ng BPP nina Duterte at Go, baguhin ng mga opisyal ng pamahalaan at mga kasapi ng Kongreso ang napakasamang trato sa mga manggagawa sa lalawigan.
Itaas ang sahod at pairalin ang parehas na sahod sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa. NELSON BADILLA
