RAPIDO ni PATRICK TULFO
SA aming pagtugaygay sa isyu ng mga abandonadong balikbayan boxes na patuloy na nadaragdagan sa mga port ng Bureau of Customs, muling nagbalik sa alala ng inyong lingkod ang unang kasong hinawakan namin ukol dito, ito ang labinlimang containers ng Allwin Cargo na nanggaling sa United Arab Emirates (UAE).
Ang Allwin Cargo ay pag-aari ng mag-asawang Urbiztondo na matagal nang nag-ooperate sa nasabing bansa pero sa hindi maintindihang kadahilanan ay bigla na lang inabandona ng mga ito ang mga padala ng kanilang mga kliyente.
Hindi pa po namin naiintindihan ang problema sa mga abandonadong balikbayan boxes noon. At isa po sa aming ginisa ay ang local partner ng Allwin na Cargoflex.
Pero ayon sa paliwanag ng may-ari ng Cargoflex na si Mr. Arlie Tero, sila man ay biktima rin. Sinabi nito sa amin na hindi na rin sila binabayaran ng Allwin sa containers na ipinadadala nito.
Sinalo nila na ilang beses ang mga bayarin sa Bureau of Customs para mailabas ang containers at mai-deliver ang mga kahon. Pero nang pumalo na sa walong milyong piso ang utang sa kanila ng Allwin ay napilitan na silang iabandona ang shipments nito.
Puro pangako raw ang ginawa ng mag-asawang Urbiztondo sa kanila na babayaran daw sila para ilabas at i-deliver na muna ang balikbayan boxes. Dagdag pa ni Mr. Tero, lahat ng nasa negosyo ng delivery ng balikbayan boxes ay mayroong hangganan kung hanggang saan lang ang pwede nilang abonohan nang hindi sila nalulugi.
Ganito rin ang naging paliwanag sa amin ng Tri-star Cargo na local partner ng Tag Cargo mula sa Kuwait. Ayon kay Mr. Jasper Aguinaldo, umabot na sa halos dalawangpung milyong piso ang utang sa kanila nito.
Hindi naman natupad ang pangako ng may-ari nitong si Marilyn Canta na babayaran nito ang malaking utang sa kanila, kaya napilitan silang iabandona ang containers na naglalaman ng mga kahon.
Ito rin ang naging problema ng MBS cargo na pag-aari ni Bong Supan, isa ring partner ng Tag Cargo. Ayon sa impormasyon ng ibinigay sa amin ng isa sa kakilala nito, hindi rin daw ito binayaran ni Canta kaya hindi na niya nailabas ang containers na naglalaman ng mga kahon.
