PORMAL na magsisimula ang 2022-23 Japan B.League season sa Setyembre 29 at unang sasalang ang Nagoya Diamond Dolphins na kinaaaniban ni Bobby Ray Parks.
Makakalaban ng Diamond Dolphins ang SeaHorses Mikawa sa mismong Dolphins Arena.
Anim na Filipino players ang natitira sa Japanese professional league — Parks, Thirdy Ravena (San-En NeoPhoenix), Kiefer Ravena (Shiga Lakes), Dwight Ramos (Levanga Hokkaido), Matthew Aquino (Shinshu Brave Warriors), at bagitong si Justine Baltazar (Hiroshima Dragonflies).
Si Ramos, naglaro sa Toyama Grouses last season ay lumipat na sa Hokkaido at magde-debut sa Oktubre 1 kontra Akita Northern Happinets sa Hokkai Kitayell.
Si Thirdy at ang San-En ay may home game din kontra Kawasaki Brave Thunders sa Hamamatsu Arena.
Unang lalaro naman si Baltazar para sa Hiroshima laban sa Yokohama B-Corsairs sa Hiroshima Sun Plaza.
Si Kiefer at rebranded Shiga Lakes ay magsisimula on the road kontra Gunma Crane Thunders sa Ota City Sports Park Citizen Gymnasium.
Samantala, sina Kobe Paras (Altiri Chiba) at Jordan Heading (Nagasaki Velca) ay sasabak sa second division ngayong taon. (ANN ENCARNACION)
