PARTISANO AT AGILA PARTY KONTRA SA DESTABILIZATION

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KAHIT binawi na ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. ang una niyang sinabi na may mga grupong nag-uusap para sa destabilisasyon ay hindi pa rin mamatay-matay ang isyu.

Malaking tandang pananong ‘to.

Sa isang pahayag, nanawagan ang grupong Partisano sa mga manggagawa at mamamayan na huwag pahintulutan ang planong destabilisasyon.

Sinabi ni Leni Katindig, Partisano national operational command, na umagos na ang pondo mula sa China, mga negosyante na nais makabalik sa pagkontrol ng mga negosyo, at ang kartel ng ilegal na droga para maglunsad ng kaguluhan sa bansa.

Tinukoy nilang nasa likod ng plano ang mga supporter daw ni ex-president Digong Duterte.

Kinondena rin ng Samahan Kaagapay ng Agilang Pilipino (AGILA Party), isang regional political party na may base sa National Capital Region, ang napapabalitang destabilisasyon laban sa pamahalaan.

Sinabi ni Jholo Granados, chairperson ng AGILA political party, hindi ito makatutulong sa bayan na ngayon ay bumabangon mula sa pandemya.

Sa halip, ipinayo niya na tulungan ang mga nasalanta ng pagbaha at ng lindol nitong mga nakalipas na araw.

Kasabay nito, hiniling din ng AGILA Party kay Pangulong Marcos na palawigin ang serbisyo ni Police General Benjamin Acorda Jr. bilang hepe ng Philippine National Police dahil sa ganitong mga panahon ay dapat mapanatili ang kapayapaan, pagkakaisa ng bawat Pilipino kaya ang kinakailangan ay isang pinuno ng kapulisan na may paninindigan sa taong bayan. Sa Disyembre 3 ay nakatakdang magretiro sa serbisyo si PGen Acorda.

Bakit kinaladlad at idinawit si dating pangulong Duterte sa destab plot?

May mga pahiwatig na sinakyan ang mga tagasuri ng political arena sa bansa.

Pagalingan ng maniobrang pulitikal para makabalik sa puwesto at angkinin ang nakasanayang kapangyarihan.

Bakit kailangan ang suporta ng militar sa plano?

Kung kontrolado ang militar at puwersa ng pulisya ay madaling maikasa at mangyari ang pagpapababa sa pangulo ng bansa.

Pera rin ang bumubuhay sa plano. Madali ring makakuha ng mga gagapang ng destab. Pera ang susi para mabuksan ang pinto tungo sa poderosong kaharian.

Pero, ang isa sa sinasabing pahiwatig ng destab plot ay ang umiinit pang usapin tungkol sa imbestigasyon ng ICC sa madugong giyera kontra giyera.

Sideline nito ang pansamantalang pagpapalaya kay dating senador Leila de Lima. Isabit din natin ang tinamong pagbagsak sa Kongreso ng kaalyadong si GMA.

Mariin namang itinanggi ng dating presidente na may kinalaman siya sa destab plot laban sa gobyerno.

Nadawit lang daw pangalan niya gayung nakipag-usap lamang siya. Maaaring na-misquote lang daw siya.

Misquote ang kadalasang ibubuga ng iba kapag pinuna ang pinakawalang mga litanya.

Si Marcos ang magdedesisyon kung magbabalik ang bansa sa ICC.

Kaya delikado si Digong kapag pinayagan na ang imbestigasyon ng ICC sa EJK.

Oo na, walang banta sa seguridad na dapat ikabahala, ayon sa AFP, na isang propesyonal na organisasyon na sumusunod sa batas, katapatan sa konstitusyon at sa chain of command.

Ngunit, malay natin kung ang usok ay biglang sumiklab at maging apoy.

Ngunit sa panahong subsob ang bansa at hati ang sosyedad sa mga isyung pampulitika, ang kailangan ay pagkakaisa at pagdadamayan lalo parating ang Pasko na ang ilan sa mensahe ay kapayapaan, pagmamahal sa sangkatauhan.

Tama ang Samahang Agila. Hindi destabilisasyon ang kailangan natin ngayon kundi ang agarang pagtugon sa problema ng mga pamilyang gulapay sa dagok ng pandemya at pinsala at trahedyang bakas ng mga mapaminsalang kalamidad.

Teka, magandang balita nga rin pala ang pagkakasundo ng pamahalaan at National Democratic Front na simulang muli ang usapang pangkapayapaan na una nang natigil noong administrasyon ni Duterte.

Ayon kay Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez, hindi ito resumption ng peace talks kundi panibagong panimula.

Ayon kay Galvez, nagkaroon ng Joint Communiqué ang pamahalaan ng Pilipinas at NDF sa Oslo, Norway noong Nobyembre 23, 2023.

Kumpiyansa si Galvez na malalagdaan ang usaping pangkapayapaan bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos sa taong 2028.

222

Related posts

Leave a Comment