PASAWAY ANG DAHILAN NG PAGKALAT NG COVID-19

TINUMBOK ng Social Weather Survey (SWS) na ang pangunahing dahilan ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ay maraming Filipino ang pasaway.

Sa SWS survey noong Abril 28 hanggang Mayo 2, ­mayroong 79 porsiyentong adult Filipinos ang nagsabing paglabag sa health protrocols ang pangunahing dahilan sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Labing-isang porsiyento naman ang nangatwirang kakulangan sa kahandaan ng gobyerno ang dahilan ng malalang COVID-19 at 10% lang ang naniniwalang bagong COVID-19 variants ang dahilan.

Anu-ano ba ang hindi sinusunod ng mga pasaway?

Ito ay ang ‘di pagsusuot ng face masks, face shields at physical distancing.

Nakapagpalala rin ang tinatawag na “superspreader” mula sa swimming picnic, inuman at iba pang pagtitipon ng ­maraming tao.

Narito ang tanong noong May 2021 survey: “In your opinion, which of the ­following is most responsible for ­stopping the spread of COVID-19?”

Ang sagot ng ­respondents: 33% sarili, 31% ­national ­government, 15% ­miyembro ng komunidad, 9% local ­government, 8% sariling pamilya at 4% health workers.

Bago isagawa ang nasabing sarbey, ang kaso ng ­COVID-19 ay umabot sa 15,280 noong Abril 3, samantala ang culmulative number ng mga kaso ay umabot sa 1 milyon noong Abril 27.

Kaya, kung patuloy na magiging pasaway ang taumbayan at hindi nila gagawin ang pagsusuot ng face masks, face shields at physical distancing ay magpapatuloy ang mabilis na hawaan ng virus.

Ayusin din dapat ng ­gobyerno ang trabaho nito dahil nakasaad sa sarbey na 11% ang naniniwalang kulang ito sa kahandaan.

Kung magtutulungan naman ang taumbayan at ­gobyerno, siguradong mababawasan ang 10% nagdahilan na mula sa bagong COVID-19 variants ang isa sa pinagmulan ng patuloy na paglala ng nasabing sakit.

Siyempre, makatutulong din ang bakuna na sinimulan na kamakalawa ang pagbabakuna sa A4 priority group na napakalaki ng populasyon.

Bagamat maraming dumarating na bakuna sa bansa, may problema pa rin tayo dahil ilang mga residente sa Metro Manila ay ayaw pa ring magpabakuna tulad na lamang sa Caloocan City dahil takot sila sa negatibo umanong epekto ng bakuna, partikular iyong galing sa China.

Dapat paigting pa ng ­pamahalaang lokal ng Caloocan ang information dissemination nito, o mas mabuti kung tutulungan ng Department of Health (DOH) ang lungsod, upang mahikayat ang mga residente na magpabakuna.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com, o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

138

Related posts

Leave a Comment