NAGBALIK na ang operasyon ng Pasig River Ferry System, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito’y matapos maalis ang water hyacinths na pumuno sa Pasig River.
Sinuspinde ang operasyon ng ferry system noong Oktubre 7 para alisin ang ang water hyacinths na sagabal sa biyahe ng mga ferry. Ibinalik ang maiikling biyahe kinabukasan Oktubre 8.
Sinabi ng MMDA na mag-o-operate ang ferry system mula Pinagbuhatan papuntang Guadalupe at Guadalupe papunta sa Escolta. Bukas ito mula Lunes hanggang Sabado ng 6 am hanggang 7 pm.
Ang operational ferries ay may istasyon sa Guadalupe, Hulo, Valenzuela, Sta. Ana, Lawton, Escolta, San Joaquin, at Pinagbuhatan.
Pinapaalalahanan ang mga pasahero na patuloy ang minimum health protocols para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ibig sabihin dapat may suot na face shield at face masks ang mga pasahero.
Daraan din ang mga pasahero sa temperature check at susulat sa manifest at commuter information sheet. (CATHERINE CUETO)
