LABING pitong (17) araw na lang ay Pasko na (Dec. 25, 2020), kapanganakan na ng ating Panginoon.
Hindi natin namalayan na dahil buwan na ng Disyembre kaya ilang tulog na lang ay Pasko na.
Tuwing sasapit ang araw na ito ay naging kaugalian na ng mga Kristiyano na ipagdiwang ang kaarawan ng ating Panginoon. Sa panahong ito ay buhay ang ika nga pagmamahalan, pagbibigayan at nagtipon-tipon ang mga magkakamag-anak at kaliwat-kanang reunion ng mga magkaklase.
Kaliwat-kanan din ang bigayan ng mga regalo sa isat-isa, kamag-anak ka man o hindi.
Ngayong Pasko, inaasahan na mababawasan ang ating pagdiriwang tulad ng pagtitipon-tipon ng mga magkakamag-anak at magkaklase noong elementary at high school dahil nariyan pa rin ang banta ng COVID-19.
Maaari po natin ipadama ang ating pagmamahal sa ating mga kamag-anak at kaibigan sa pamamagitan ng pagbati gamit ang ating mga gadget tulad ng cellphone at laptop (virtual greetings).
Hindi na kasi uubra ang kitakits ngayon dahil sa pandemic ng COVID-19.
Mas makabubuti na kung sino lang ang ating mga kasama sa bahay ngayon ay siya na rin ang kasama natin sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon.
Kung mayroon naman tayo nais na i-regalo sa kanila ay maaari naman natin sila padalhan, lalo na ang mga overseas Filipino workers (OFW) sa kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas.
Gusto kasi natin masaya ang ating pamilya o kamag-anak pagdating ng Pasko.
‘Di baleng hindi natin sila makasama, kesa naman habang buhay na natin sila hindi makikita dahil sa hawahan ng COVID-19.
Konting sakripisyo pa hangga’t wala pa tayong bakuna na paglaban sa COVID-19.
Tutal kung wala naman tayo sa pandemya ay nagagawa naman natin ang lahat ng gusto nating gawin.
Hindi natin pwedeng isugal ang kaligtasan ng ating mga kamag-anak dahil lamang sa pagkikita-kita at ngayong Pasko.
Baka may magbuwis pa ng buhay kapag ganyan.
Nakikita naman natin kung paano ang nagsisikap ng ating gobyerno para makakuha ng bakuna sa mga gumagawa nitong bansa.
Ang magagawa po natin ay makipagtulungan po tayo at iwasan natin na magtipon-tipon ngayong darating na Pasko.
Siyempre kung mahal natin ang ating mga kaibigan at kamag-anak hindi natin gusto na sila o tayo ay mahawahan ng COVID-19.
Hindi po natin kagustuhan na magkaroon ng COVID-19, basta na lamang ito dumating at kumalat sa buong mundo.
Hindi rin po natin alam kung ito ba ay isang paalala sa atin ng Panginoon na malayo na tayo sa kanya. Sa totoo lang, kung may negatibo man itong tama sa mga tao, ay may positibo rin dala ito sa atin. Anu-ano mga yan? Nakita natin ngayong pagdating ng COVID-19 kung ano ang mga pagkukulang natin.
Kailangan pala hindi tayo waldas sa pera, para pagdating ng ganitong pandemya ay may madudukot tayo. Ganun din sa gobyerno, kailangan may pondong nakatabi para panggastos tulad ng ipinamigay na ayuda sa taumbayan tulad ng Social Amelioration Program (SAP).
Maging pambili ng bakuna para may iturok sa mahigit isang daang milyong mga Pinoy.
Kailangan din natin magkaisa para hindi natin masyadong maramdam ang hirap na dulot ng COVID-19 na ito.
Sa COVID-19 na ito ay nasubok tayong mga Filipino kung gaano tayo katatag pagdating ng matinding problema.
Ngayong Disyembre ipakita natin sa ating mga kababayan ang diwa ng Pasko na panahon ng kapanganakan ng ating Poong Maykapal.
Ipakita natin ang pagtutulungan at pagmamahal sa isat-isa.
Merry Christmas and God Bless Us!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
