PASOK SA KAMARA NILIMITAHAN PARA IWAS-COVID  

NILIMITAHAN ng ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso ang mga papapasukin sa Batasan Complex habang may session, bilang bahagi ng anti-coronavirus measure.

Ginawa ng Kamara ang nasabing hakbang matapos magpositibo ang may 18 empleyado ng Senado sa COVID-19 kung saan karamihan sa mga biktima ay mga miyembro ng Office of Sgt-at-Arms (OSAA).

Hindi lamang ang mga empleyado ng Kamara ang nilimitahan kundi ang mga kagawad ng media dahil tanging ang mga crew ng TV stations ang papayagang pumasok.

“Good pm. FYI lang po. Starting tomorrow, napagpasiyahan po ng leadership na TV networks na lang daw po ang papapasukin sa House,” ayon sa advisory ng Kapulungan noong Lunes ng gabi.

Ang ibang kagawad ng media ay pinayuhang mag-cover na lamang sa Facebook live at zoom kung saan ilalabas ang session ng Kamara at maging ang mga pagdinig ng mga committee.

“Para na rin po ito sa kaligtasan ng lahat. Medyo nakakaalarma na rin po kasi ung dami ng nag-positive sa Senate kanina,” ayon pa sa advisory.

Noong Lunes, umaabot sa 25 congressmen ang personal na dumalo sa kanilang session habang ang karamihan sa 303 miyembro ng Kamara ay sumali sa talakayan sa pamamagitan ng zoom.

Nabatid ng Saksi Ngayon na nilimitahan din sa tig-dalawang staff ang puwedeng isama ng bawat mambabatas upang maipatupad ang social distancing at makontrol ang dami ng tao sa kapulungan.

Karaniwang nakikita sa Kamara sa mga normal na araw o bago nagkaroon ng COVID-19 pandemic na bukod sa sangkaterbang staff ay nagdadala rin ng napakaraming bodyguard ang karamihan sa mga mambabatas kahit sa loob ng mga gusali ng Batasan Pambansa. BERNARD TAGUINOD

130

Related posts

Leave a Comment