PATAY NA ANG IMPEACHMENT, MOVE-ON NA TAYO

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG inilibing na o “archived” na ang impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte, move-on na tayo. Ano pa ang saysay ng pag-iingay ng iba?

Pati ba naman ang Korte Suprema ay kanilang kinuwestiyon sa ginawang desisyon na labag sa Saligang Batas ang nasabing impeachment laban kay VP Sara?

Kung pati ba naman ang desisyon ng Korte Suprema ay hindi natin irerespeto, ano na ang mangyayari sa bansang Pilipinas?

Noong Pebrero 5, 2025, inakusahan ang Pangalawang Pangulo ng mga paratang na gaya ng malaking katiwalian sa paggamit ng confidential funds, bantang pagpatay kina Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ang kanyang pamilya, at House Speaker Martin Romualdez.

Iba’t ibang grupo ang nagsampa ng apat na magkakahiwalay na impeachment complaints mula Disyembre hanggang Pebrero. Subalit tatlo rito ay “archived” na nang walang aksyon, bago pa man maisumite ang ika-4 na reklamo sa Senado.

Noong Hulyo 25, 2025, naglabas ang Korte Suprema ng desisyon na labag sa Saligang Batas ang patuloy na impeachment dahil sa rule na isa lamang impeachment case ang maaaring isampa laban sa isang opisyal sa loob ng isang taon.

Ang ika-4 na reklamo ay nasaklaw pa rin sa isa nang nakaraang filing, kaya hindi dapat ito ituloy. Ang tawag dito ay na-teknikal ang mga reklamador, hahaha!

Bagaman hindi nito pinawalang-sala si VP Sara sa substansiya ng mga paratang, pinigil nito ang anomang impeachment hanggang Pebrero 2026.

Nitong Agosto 6 hanggang 7, 2025, sumunod ang Senado sa desisyon ng Korte Suprema, pinagbotohan nila, 19 pabor, 4 laban, 1 abtensyon upang i-archive ang Articles of Impeachment, ibig sabihin ay hindi tuluyang dinismis — subalit hindi rin ito itinuloy bilang impeachment court.

Kaugnay nito, bumalik ang kaso sa Korte Suprema para sa posibilidad ng muling pagsusuri, aapela pa?

Ayon sa ilan, ang pag-archive na ito ay nangangahulugang “buried” na ang kaso–isang “dead motion” na na-arkibo na.

Ngayon ano pa ang pinag-iingay ng iba na kesyo mali ang Korte Suprema sa pagsasabing labag sa Saligang Batas ang impeachment laban kay VP Sara? Sino ang tama, kayo?

Paano kung sinabi ng Korte Suprema na hindi labag sa Saligang Batas ang impeachment laban kay VP Sara, eh ‘di tuwang-tuwa kayo?

Ngayon may maririnig pa tayong balak ng ilan na pati ang ilang justices ng Korte Suprema na nagsabing labag sa Saligang Batas ang impeachment, ay planong ipa-impeach din ng mga tao na walang kakuntentuhan sa kanilang buhay.

Kung gusto n’yo talagang labanan si VP Sara, tumakbo kayong presidente sa 2028 presidential election para malaman n’yo kung talagang gusto kayo ng mga Pilipino.

Gusto n’yo kasi daanin sa mabilisan ang pagsibak kay VP Sara na labag naman sa Saligang Batas.

Ang justices sa Korte Suprema ay may mga kredibilidad ‘yan, kayong mga gigil na matanggal si VP Sara, anong ipinagmamalaki n’yo sa mga Pilipino?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

26

Related posts

Leave a Comment