PATAY SA CEBU QUAKE, 68 – NDRRMC

IBINABA ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, Oktubre 3, ang bilang ng mga nasawi bunsod ng nangyaring magnitude 6.8 na lindol, sa 68 mula sa bilang na 72 noong Huwebes.

Ayon kay Diego Mariano, officer-in-charge ng Civil Defense Communications and Advocacy Division, ang inilabas na bilang ay base sa verification na ginawa ng inaktibong Management of the Dead and Missing (MDM) cluster, isang bagong tatag na unit sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa inilabas na paliwanag ni OCD VII Regional Director Joel Erestain:

“It’s a matter of double entry. Adjustment is being made once names, and other documents are being submitted to the activated MDM cluster led by DILG”.

Paliwanag pa ng ahensya, sa kasalukuyan ay hindi pa rin kumpleto ang official PNP spot reports at death certificates. Kaya ang kabuuang bilang ay nanatiling “for verification and validation”.

“Please take note lang po that the numbers may increase or decrease as validation of the MDM led by DILG is ongoing,” ani Mariano.

Hanggang nitong alas-6 ng umaga, nakapagtala ang NDRRMC ng 599 injured persons na isasailalim pa sa validation.

Nasa kabuuang 80,595 pamilya o 366,360 indibidwal naman ang apektado.

Sa nasabing bilang, 365 pamilya o 1,795 katao ang tumutuloy sa walong evacuation centers, habang ang 15,092 pamilya o 75,227 katao ang tumutuloy sa labas ng evacuation centers.

Mayroon namang tatlong kalsada at limang tulay ang nananatiling hindi madaanan dahil sa pinsala, habang non-operational din ang mga pantalan sa San Remigio, Bogo, at Medellin sa Cebu.

Nasa ilalim ng state of calamity ang buong probinsya ng Cebu.

(JESSE RUIZ)

12

Related posts

Leave a Comment