Patay sa lumubog na fishing boat umakyat sa 7, 6 MANGINGISDA NASAGIP NG NAVY AT COAST GUARD

INIHAYAG ng Philippine Navy na nailigtas ng Northern Luzon Naval Command (NLNC), Naval Special Warfare Unit 2 (NSWU2), ang anim na tripulante ng lumubog na fishing vessel FB JHOBENZ 01, dahil sa hagupit ng malalakas na hangin at malalaking alon dala ng Bagyong Nando malapit sa Sta. Ana, Cagayan.

Kasabay nito, kinumpirma ng Philippine Navy na umabot na sa pito ang nasawing mangingisda mula sa lumubog na fishing vessel matapos na makuha pa nila ang tatlong bangkay noong Miyerkoles ng hapon, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard.

Itinama rin nila ang ulat na hindi labing-apat ang sakay ng FB JHOBENZ 01 kundi ay 13 lamang.

Nabatid na umangkorahe ang fishing boat na may 13 crew, para sumilong at makaiwas sa lupit ng pananalasa ng Typhoon Nando nang bigla itong lumubog, may 0.3 nautical miles Northeast ng Sta. Ana, Cagayan.

Agad na nagsagawa ng Search and Rescue operations ang NSWU2 sa koordinasyon sa Coast Guard Station (CGS), Sta. Ana, Cagayan, Bureau of Fire and Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), at Local Government Unit (LGU) ng Sta. Ana, Cagayan.

Anim na tripulante ang nailigtas habang pitong cadavers naman ang nakuha at ibinigay na sa kustodiya ng mga awtoridad para sa proper identification, documentation, and coordination sa kanilang mga pamilya.

Ayon sa Philippine Coast Guard District Northeastern Luzon (CGDNEL) na pinamumunuan ni Lt. Junior Grade Anabel Paet, ang anim na survivors ay kasalukuyang sumasailalim sa psychosocial support at trauma debriefing sa Department of Social Welfare and Development.

Ayon sa ilang nakaligtas, nagkulong sila sa loob ng engine room ng ilang oras nang walang pagkain at umaasang maililigtas sila.

(JESSE RUIZ)

26

Related posts

Leave a Comment