PATONG-PATONG NA KASO VS RIOTERS SA ANTI-CORRUPTION RALLY

MAHAHARAP sa samu’t saring kaso ang mga nanggulo sa September 21 anti-corruption protest, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso.

Kinumpirma ng Manila Police District (MPD) na nasa kustodiya nila ang 127 adults at 89 minors. Sa bilang ng mga menor de edad, 67 ang itinuring na Children in Conflict with the Law (CICL) habang 24 naman ang tinukoy na Children at Risk (CAR).

Bukod sa 24 CAR, aabot sa 192 rioters ang kakasuhan ng paglabag sa Batas Pambansa 880 (Public Assembly Act of 1985), Article 146 ng Revised Penal Code (Illegal Assembly), Article 148 (Assault and Resistance), at iba pang kaukulang batas.

Dagdag pa ng alkalde, iniimbestigahan din ang posibleng kaso ng malicious mischief, arson, physical injuries, at inciting to sedition.

Iginiit ni Mayor Isko na nakababahala ang pagkakasangkot ng mga menor de edad. Marami umano sa mga kabataan ang tila may “guidance” o nagalaw ng impluwensya, ayon sa mga social worker na nakapanayam.

“Are they doing it on their own, or are they being manipulated? Kailangan tingnan natin,” ani Isko, sabay panawagan sa Kongreso na pag-aralan ang mas mahigpit na batas para maprotektahan ang mga kabataang nirerecruit sa mga riot.

Umapela rin siya sa mga magulang ng mga menor de edad na makipagtulungan sa awtoridad:

“Kung ako sa inyo, kausapin niyo na ang mga anak ninyo at tulungan ang pulis na ituro kung sino ang mga tao behind this. Kung hindi, kayo ang babalikat sa problemang dinadala nila sa Maynila.”

Samantala, binunyag ni Domagoso na tinitingnan ang anggulo ng posibleng pasimuno ng gulo — kabilang ang isang abogado, isang Filipino-Chinese, at isang politiko na umano’y nagpondo sa riot. Posible rin umanong ang kaguluhan ay ginawa para ilihis ang atensyon sa isyu ng korapsyon o siraan ang lehitimong mga nagpoprotesta.

Sa ngayon, umabot na sa P692,785.64 ang pinsalang idinulot ng mga riot, partikular sa mga traffic signal facilities sa limang intersection sa Recto Avenue. Patuloy pa ang pagtaya sa mga nasira, kabilang ang mga sasakyan, motor, streetlights, CCTV units, at permanenteng traffic barricades.

“Maybe in a week or ten days from now, mato-total na natin ang danyos,” dagdag ng alkalde. Giit niya, parehong public at private property losses ay ipapapasan sa mga responsable.

(JOCELYN DOMENDEN)

64

Related posts

Leave a Comment